Nahuli na ng Quezon City Police District (QCPD) ang tatlong suspek sa malagim na pananaksak sa isang 16-anyos na senior high school student sa billiards establishment sa kahabaan ng Quirino Highway, Brgy. Pasong Putik Proper, Quezon City, noong Huwebes, Agosto 13.
Batay sa pahayag ng QCPD noong Sabado, Agosto 15, isa sa mga nahuling suspek ay si alyas “Rei,” 18-anyos na residente sa Brgy. Greater Lagro, Quezon City, habang ang dalawa niyang kasamahan ay parehong menor de edad.
Sa imbestigasyong isinagawa ng QCPD, pumunta sa Billiards establishment ang biktima kasama ang dalawa niyang kaklase bandang 6:00 ng gabi noong Agosto 13.
Habang nasa loob ng establisyemento, may dumating na dalawang indibidwal at naghamon ng suntukan, na kalauna’y nauwi sa karambola.
Sa kasagsagan ng bugbugan, isa sa mga suspek ang naiulat na naglabas ng patalim at paulit-ulit na sinaksak ang biktima bago umalis sa establisyemento kasabay ang mga kasamahan niya.
Bagama’t itinakbo agad ang biktima sa Commonwealth Hospital, ikinasawi niya ang mga tinamong sugat sa kaliwang bahagi ng dibdib at kaliwang puwitan.
Ang 18-anyos na suspek at mga kasabwat niyang menor de edad ay nakatakdang kaharapin ang mga paglilitis sa Quezon City Prosecutor’s Office para sa kasong Homicide.
Ang dalawang menor de edad din ay nakatakdang i-refer sa Molave Youth Home, Quezon City, para sa maayos na interbensyon alinsunod sa protocol ng batas sa children in conflict with the law (CICL).