Isinama ng Federal Bureau of Investigation (FBI) sa Most Wanted Fraudsters list nito ang negosyanteng si Rey Grabato II, anak ni Mina, Iloilo Mayor Rey Grabato, kaugnay ng umano’y $650-milyong investment scam sa United States.
Ayon sa FBI, wanted umano si Grabato II dahil sa mga kasong conspiracy to commit securities fraud, securities fraud, conspiracy to commit wire fraud, wire fraud, at conspiracy to defraud the US with respect to tax.
Sa online announcement ng FBI noong Agosto 13, nag-alok ito ng reward na $150,000 para sa impormasyong makatutulong sa pagkakaaresto kay Grabato II.
Una siyang na-indict noong Oktubre 2022 matapos kasuhan ng U.S. Securities and Exchange Commission (SEC) dahil sa umano’y panloloko sa libu-libong investor sa pamamagitan ng National Realty Investment Advisors LLC (NRIA).
Inakusahan din si Grabato II ng pakikipagsabwatan upang takasan ang $26-milyong tax liabilities sa U.S. Internal Revenue Service (IRS).
Nang unang lumabas ang balita tungkol sa kaso noong 2022, sinabi ng pamilya Grabato na nakabalik na sa Iloilo si Rey II matapos gumaling mula sa isang aksidente sa US.
Noong 2023, nakita rin siya sa publiko sa Iloilo habang sangkot sa ilang negosyo, kabilang ang construction at farming.
Samantala, kinumpirma ng pamilya ni Grabato II na nasa Pilipinas siya at nanawagan sa publiko na maging mahinahon kaugnay ng isyu.
Kinumpirma rin ni Mayor Rey Grabato noong Agosto 14 na nasa Iloilo ang kaniyang anak, ngunit tumangging magbigay ng karagdagang detalye tungkol sa kinaroroonan nito.
Ayon sa alkalde, nagpapagaling ang kaniyang anak mula sa malubhang stroke.
Sa isang pahayag noong gabi ng Biyernes, Agosto 14, sinabi naman ng nakababatang kapatid ni Grabato II na si Christopher Rey na wala silang natanggap na notice o summons mula sa alinman sa mga awtoridad ng Pilipinas o Estados Unidos.
Kinumpirma rin niya ang kondisyon ng kaniyang kuya at ipinaliwanag ang epekto nito sa kaniyang kalagayan.
"As a consequence of his medical condition, he is currently partially paralyzed and continues to experience significant limitations in his mobility, communication, and cognitive functioning. He remains under continuing medical care, and his family’s immediate priority is his treatment, rehabilitation, and well-being,” pahayag ni Christopher Rey Grabato sa kaniyang personal Facebook account.
Samantala, habang isinusulat ang artikulong ito ay wala pang inilalabas na pahayag ang gobyerno at lokal ng Pilipinas hinggil sa estada at kaso ni Grabato.