Nasawi ang isang 4-anyos na batang babae matapos umano siyang painumin ng gatas na may halong lason sa daga na naganap sa Don Carlos, Bukidnon.
Naganap ang insidente sa Purok 10, Barangay Poblacion Sur noong gabi ng Huwebes, Agosto 13, ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Don Carlos Municipal Police Station.
Batay sa ulat ng pulisya, una umanong nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng lolo at lola ng bata.
Rumesponde ang mga awtoridad sa kanilang bahay kaugnay ng alitan, ngunit umalis umano ang lolo matapos ang insidente.
Matapos ang ilang sandali, nagtimpla umano ng gatas ang lola na pinaniniwalaang hinaluan niya ng lason sa daga at saka ipinainom sa biktima. Ayon pa sa mga awtoridad, ininom din ng lola ang gatas na may lason.
Agad silang isinugod sa Bukidnon Provincial Hospital sa Maramag para agapan mula sa pagkalason.
Gayunman, hindi naisalba ang bata at binawian siya ng buhay bago mag-1:00 ng madaling-araw noong Agosto 14.
Pumanaw rin ang kaniyang lola dakong 4:00 ng hapon sa parehong araw.
Dinala sa isang punerarya sa Don Carlos ang mga labi ng maglola habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.
Ayon sa mga awtoridad, posibleng may kaugnayan sa alitan ng pamilya ang nangyari, ngunit hindi pa ito itinuturing na pinal na motibo habang kinukumpleto ang imbestigasyon.
Sinisikap ding matukoy ng mga imbestigador ang buong pangyayari at kung anong kaukulang kaso ang maaaring isampa batay sa resulta ng imbestigasyon.
Samantala, ayon sa mga impormasyong ibinahagi ng mga kamag-anak, ang bata ay anak ni Kimberly Achas, na nasawi sa isang insidente ng karahasan sa Don Carlos noong 2023. Ang naturang kaso ay naiulat noon at nakuhanan ng CCTV ang pambubugbog sa biktima ng kaniyang live-in partner.
Matapos ang pagkamatay ng kaniyang ina, inalagaan umano ang bata ng kaniyang mga lolo at lola.
Patuloy na inaalam ng pulisya ang mga detalye at pangyayaring nauwi sa pagkamatay ng maglola.