Kinumpirma ng Philippine Embassy na walang Pilipinong naapektuhan ng malagim na magnitude 7.7 na lindol sa isla ng Flores, Eastern Indonesia, nitong umaga ng Sabado, Agosto 15.
Batay sa pahayag ng Embahada sa Jakarta, bagama’t walang naitalang Pinoy na apektado ng lindol, patuloy silang nakikipag-ugnayan sa iba pang miyembro ng Filipino community sa Flores para makapag-abot ng kakailanganin nilang tulong.
“[T]here are no Filipinos affected by the earthquake but the Embassy continues to reach out to other members of the Filipino community in the area, and stands ready to extend assistance, as necessary,” pagtitiyak ng Embahada.
Para sa mga miyembro ng Filipino community, pinapayuhan silang tumawag sa Assistance-to-Nationals (ATN) hotline ng Embahada at WhatsApp +62 811 887 344 o kaya’y sa email address, [email protected], para sa mga tulong na kinakailangan nila bunsod ng lindol.
Sa nasabi ring pahayag binanggit na dahil sa lakas ng pagyanig matindi ang natamong pagkasira ng mga establisyimento at kabahayan sa isla at mayroon na ring ilang bilang ng mga nasawi rito.
Sa kasalukuyan, inangat na ng Indonesian emergency at disaster agencies ang ibinaba nilang Tsunami warnings sa Flores.