August 15, 2026

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Pag bagong gising, wag biglang tumayo paalala ng nabagok na ex-PBB housemate

Pag bagong gising, wag biglang tumayo paalala ng nabagok na ex-PBB housemate
Photo courtesy: Ralph Malibunas (FB)

Nagbabala ang dating housemate ng Pinoy Big Brother (PBB): Kumunity Season-turned-Star Magic artist at digital personality na si Ralph Malibunas sa publiko matapos niyang ibahagi ang kinasangkutang aksidente sa loob mismo ng kanilang bahay, pagkagising niya.

Sa isang social media post noong Biyernes, Agosto 15, ikinuwento ni Ralph na biglang nagdilim ang kaniyang paningin, nawalan siya ng balanse at natumba matapos agad na tumayo mula sa pagkakahiga sa kama, nang gumising siya mula sa pagtulog.

Ayon sa aktor, nabagok ang kaniyang ulo dahil sa pagkakatumba.

Agad na dinala sa ospital si Ralph, batay sa ilang larawang ibinahagi niya sa post.

Hindi naman aniya niya ibinahagi ang karanasan para sa clout, kundi upang magsilbing paalala sa iba, lalo na sa mga taong may nakagawiang agad bumangon pagkagising.

Tsika at Intriga

Rocco Nacino, napapangitan sa malaking pwetmalu niya; bet pabawasan!

“Sharing this not for clout, but for awareness,” panimula ni Malibunas sa kanyang post.

Ibinahagi rin niya ang payo na huwag biglang tumayo pagkagising. Sa halip, aniya, mas mabuting umupo muna sa kama, huminga at maghintay ng ilang segundo bago dahan-dahang tumayo.

Ipinaliwanag din ni Malibunas na ang biglaang pagtayo mula sa pagkakahiga ay maaaring magdulot ng biglaang pagbaba ng blood pressure na maaaring mauwi sa pagkahilo, pagdidilim ng paningin, panghihina o pagkawala ng balanse.

Sa ilang pagkakataon, maaari din umano itong humantong sa pagkahimatay at pagkahulog.

“Akala natin simpleng pagtayo lang, pero isang segundo lang na mawalan ka ng malay o balanse, puwedeng mauwi sa seryosong injury. Kaya please, listen to your body and take it slow,” aniya.

Sa kabila ng nangyari, nagpahayag ng pasasalamat ang aktor dahil ligtas siya at nabigyan pa ng pagkakataong maibahagi ang kanyang karanasan upang makatulong at makapagbigay ng awareness sa iba.

“Sobrang thankful ako na nandito pa rin ako at may chance na i-share itong experience ko para makatulong sa iba. Thank You, Lord, for giving me a second life,” saad pa niya.

"Please take care of yourselves, lalo na pagkagising. Upo muna. Huminga. Mag-adjust. Saka dahan-dahang tumayo," paalala pa niya.