Ibinahagi ni Unkabogable Star Vice Ganda ang naobserbahan niya sa ilang honor students sa kasalukuyan.
Sa isang episode kasi ng “It’s Showtime” kamakailan, naibahagi ng isang “Ms. Q & A” contestant ang tungkol sa paghinto niya sa pag-aaral dahil sa financial problem.
Aniya, napilitan daw siyang isakripisyo ang edukasyon dahil hindi niya ito kayang ipagsabay sa pagtatrabaho. Ngunit balak din naman daw niyang bumalik sa eskwela.
“Kaya gusto ko rin pong makapagtapos ng pag-aaral kasi ayaw ko pong sinisino-sino lang po ako. Kasi 'pag di ka po nakapag-aral mamaliitin ka ng ibang tao,” anang contestant.
Dagdag pa nito, “Also na-inspire po ako sa circle ko. Lahat po sila degree holder. Lahat po sila transwoman.”
Ngunit ayon kay Vice Ganda, hindi dapat sa iba nagmumula ang motibasyon para makatapos ng pag-aaral.
“Kasi puwede kang makapag-aral tapos gusto mong makatapos. May diploma ka. Hindi ka nila sisinuhin, pero wala ka talagang natutunan,” paliwanag ng Unkabogable Star.
“Aminin n'yo ang daming graduates ngayon na parang walang alam,” pagpapatuloy pa ni Vice. “Ang daming honor students pero parang aanga-anga kapag kinausap mo.”
Matatandaang ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA) noong 2025, 18 milyong senior at junior high school students ang nakapagtapos noong 2024 ang hindi marunong bumasa at umunawa sa tekstong binasa.
Samantala, nangulelat naman ang mga estudyanteng Pilipino sa math, science, at reading comprehension batay sa resulta ng Programme for International Student Assessment (PISA) noong 2022.