August 15, 2026

Home BALITA Probinsya

Rabies ng asong-gala, isang buwan tinagal bago tumalab; batang kinagat, utas!

Rabies ng asong-gala, isang buwan tinagal bago tumalab; batang kinagat, utas!
Photo ocurtesy: Unsplash

Nasawi ang isang 4-anyos na lalaki sa General Santos City mahigit isang buwan matapos umanong makagat ng asong gala na pinaniniwalaang may rabies.

Namatay ang biktima sa Barangay Sinawal, matapos ang insidente noong Hulyo 9.

Ayon sa pamilya, kasama ng bata ang kaniyang ina nang mangyari ang pag-atake habang bumibili sila ng pagkain. Nagtamo ng kagat sa mukha at mga tainga ang bata.

Agad siyang dinala sa ospital kung saan nilinis at tinahi ang kaniyang mga sugat. Binigyan din siya ng anti-tetanus vaccine bago nakatanggap ng unang dose ng anti-rabies vaccine kinabukasan.

Nakatanggap ang bata ng tatlong dose ng anti-rabies vaccine. Gayunman, makalipas ang mga araw ay nagsimula umano siyang makaranas ng mga sintomas na iniuugnay sa rabies.

Probinsya

Laguna de Bay, nakaambang umapaw dahil sa patuloy na pag-ulan

Noong Agosto 6, nagsimula siyang magreklamo ng pananakit ng tiyan. Pagsapit ng gabi, nakaranas umano siya ng matinding takot sa tubig at tila nahihirapang lumunok.

Kinabukasan ay isinugod siya sa emergency room at kalaunan ay in-admit at inilagay sa isolation room matapos ding magkaroon ng reaksiyon sa hangin, bago siya pumanaw.

Agad na inilibing ang bata bilang pag-iingat laban sa posibleng pagkalat ng sakit.

Ayon sa ospital, karaniwang apat na dose ng anti-rabies vaccine ang ibinibigay sa ganitong kaso, ngunit hindi na umabot ang bata sa ikaapat na dose.

Itinuturing din umanong Category 3 ang kagat dahil malapit sa ulo ang tinamong sugat. Sa ganitong uri ng exposure, maaari ring kailanganin ang rabies immunoglobulin bilang bahagi ng post-exposure treatment.

Nilinaw naman ng ospital na hindi expired ang bakunang naibigay sa bata at sinabi nitong naasikaso ang pasyente sa emergency room noong gabi ng Hulyo 9.

Ayon sa ospital, nilinis at tinahi ang mga sugat ng bata at binigyan siya ng antibiotic at anti-tetanus vaccine bago pinauwi at pinabalik kinabukasan para sa anti-rabies vaccination.

Samantala, nagsagawa na ng paghahanap ang City Veterinary Office sa asong gala na umano'y kumagat sa bata.

Nagpatupad din ang mga awtoridad ng pagbabakuna sa mga aso sa Barangay Sinawal upang maiwasan ang iba pang kaso ng rabies sa lugar.

Matatandaang noong Hunyo 2025 nang isang bata rin ang nasawi mula sa kagat ng aso sa kabila ng pagkakaroon niya ng kumpleotng bakuna kontra rabies.

Palaisipan sa pamilya ng biktima ang sinapit ng kanilang anak na nanawagan na rin ng imbestigasyon kung may pagkukulang umano ang ospital sa mga itinurok na bakuna sa kanilang anak.

KAUGNAY NA BALITA: 6-anyos batang lalaking kumpleto sa anti-rabies vaccine, patay sa kagat ng tuta