Nasawi ang isang 35-anyos na babae matapos umano siyang pagsasaksakin ng kaniyang 37-anyos na asawa kasunod ng pagtatalo tungkol sa hulog sa kanilang motorsiklo sa Barangay Refugio, Calatrava, Negros Occidental.
Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, nagsimula ang alitan nang mapagkamalan umano ng lalaki na hindi nabayaran ng kaniyang misis ang dapat nilang hulugan para sa motorsiklo.
Kalaunan, lumitaw na naibigay na pala ang bayad sa isang payment center. Posibleng hindi lamang agad na-update ang rekord ng ahente na kumokolekta ng hulog, dahilan upang magkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang mag-asawa.
Sa gitna ng pagtatalo, umano'y kumuha ng patalim ang suspek at inatake ang kanyang asawa. Tinamaan sa dibdib at kaliwang braso ang biktima.
Hindi pa rito nagtapos ang insidente dahil matapos umanong saksakin ang kanyang asawa, sinugatan din ng suspek ang sarili nito sa tiyan.
Kapwa isinugod sa Calatrava Municipal Hospital ang mag-asawa. Gayunman, idineklarang dead on arrival ang babae, habang nananatili namang nasa ospital ang kanyang asawa sa ilalim ng kustodiya ng mga awtoridad.
Inihahanda ng pulisya ang pagsasampa ng kasong parricide laban sa suspek kaugnay ng pagkamatay ng kanyang asawa.
Ayon pa sa mga awtoridad, may naitala umanong naunang kaso ang lalaki na may kaugnayan sa ilegal na droga. Ilang pagkakataon na rin umano itong nasangkot sa hindi pagkakaunawaan ng kanyang asawa bago ang nakamamatay na insidente.
Ang kaso ay patuloy pang iniimbestigahan upang matukoy ang buong pangyayari at iba pang posibleng pananagutan ng suspek.