Nasawi ang isang 102-anyos na lalaki matapos umanong itulak habang bumababa mula sa entablado ng isang bar at kainan, matapos niyang hilingin na hinaan ang malakas na tugtog mula sa isang banda.
Ayon sa mga ulat, pumunta umano ang biktima sa entablado habang tumutugtog ang Llanelli-based band na upang hilingin na bawasan ang volume ng musika.
Matapos nito, nang papababa na siya sa entablado na may tatlong hakbang, dito umano siya natumba matapos itulak ng isang lalaki.
Kilala ang biktima bilang suki sa pagpunta sa Crow's Nest pub—isang bar at kainan sa South Wales sa Europa.
Nagtamo ang matanda ng malubhang pinsala, kabilang ang bali sa balakang, at isinugod sa ospital sa kritikal na kondisyon. Nanatili siya roon nang mahigit isang linggo bago tuluyang pumanaw dahil sa mga tinamong pinsala.
Sinabi ng anak niyang si Robert Ormerod na regular na pumupunta sa naturang pub ang kaniiyang ama, kung saan naging pamilyar na mukha na siya sa mga kostumer.
Dalawa hanggang tatlong beses kada linggo umano itong umiinom doon at minsan ay binibilhan pa ng beer ng mga nakababatang kostumer.
"We want to see justice, of course. They must have known he was an old man. It makes you wonder what the world is coming to,” anang anak ng biktima sa panayam sa kaniya ng media.
Dagdag pa niya, "It has obviously made it difficult. It would've been nice if he'd gone quietly in his sleep."
Ayon kay Robert, mahigit isang linggo ring nagdusa sa ospital ang kaniyang ama bago ito namatay.
Samantala, isang 56-anyos na lalaki mula Llanelli ang inaresto kaugnay ng insidente dahil sa hinalang assault. Pinalaya siya ngunit nananatili sa ilalim ng imbestigasyon ng pulisya.
Patuloy namang iniimbestigahan ng Gwent Police ang insidente at nananawagan sa mga taong naroon sa pub sa pagitan ng 10:00 at 11:00 ng gabi noong Agosto 1 na makipag-ugnayan sa mga awtoridad.
Nagbabala rin ang pulisya laban sa pagpapakalat ng haka-haka o hindi beripikadong impormasyon habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang pamunuan ng The Crow's Nest sa pamilya, ngunit tumangging magbigay ng karagdagang detalye dahil nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya.