Inanunsyo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) noong Huwebes, Agosto 13, as of 6:00 ng hapon, na umabot na sa 730,649 family food packs (FFPs) ang naipamahagi nila sa 10 rehiyon sa bansa, bilang tugon sa naging epekto ng Bagyong Luis, Maymay, at southwest monsoon o habagat sa malaking bahagi ng Pilipinas.
Ayon pa sa DSWD, kasama rin sa naipamigay ang 16,251 ready-to-eat food (RTEF) boxes at 9,203 non-food items (NFIs) sa mga apektadong pamilya mula sa National Capital Region (NCR), Cordillera Administrative Region (CAR), Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Western Visayas, at Zamboanga Peninsula.
Anang ahensya, ang pamimigay ng naturang tulong ay bahagi ng augmentation request mula sa mga lokal na pamahalaan na nakahanda para sa mga pamilyang apektado ng weather systems sa nasabing mga rehiyon.
“Patuloy na nakikipag-ugnayan ang DSWD sa mga lokal na pamahalaan para matiyak ang maagap na pagtugon at tuloy-tuloy na paghahatid ng kinakailangang tulong sa mga apektadong komunidad,” pagtitiyak ng DSWD.