August 14, 2026

Home BALITA Metro

DOLE, nababahala sa ‘dagok’ na desisyon ng Pasig RTC na pigilan ₱85 wage hike

DOLE, nababahala sa ‘dagok’ na desisyon ng Pasig RTC na pigilan ₱85 wage hike
Photo courtesy: DOLE, MB


Ikinabahala ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang desisyon ng Pasig Regional Trial Court (RTC) Branch 152 hinggil sa ₱85 taas-sahod para sa mga minimum wage earners na manggagawa sa National Capital Region (NCR).

Matatandaang nag-isyu ang nasabing korte ng preliminary injunction noong Huwebes, Agosto 13, dahilan upang ma-hold ang naturang dagdag-sahod.

“Ang desisyon ng Pasig RTC Branch 152 ay hindi lamang pumipigil sa dagdag-sahod—inaalis nito ang pagkain sa hapag ng mahigit isang milyong manggagawa sa Metro Manila at ng kanilang mga pamilya,” panimula ng DOLE sa kanilang opisyal na pahayag nitong Biyernes, Agosto 14.

Anila, “Sa panahong mahalaga ang bawat piso, ipinagkakait ng desisyong ito sa ating mga manggagawa ang kaginhawaang kanilang pinaghirapan at kailangang-kailangan.”

Inilarawan din ito ng labor department bilang isang “dagok” sa katarungang panlipunan.

“Mariin naming ipinapahayag ang aming pagkabahala sa dagok na ito sa katarungang panlipunan,” anang labor department.

Metro

Coding scheme ngayong Agosto 14, suspendido bunsod ng patuloy na pag-ulan



Pagtitiyak pa nila, “Gagamitin namin ang lahat ng legal na paraan upang labanan at maipawalang-bisa ang desisyong ito, at ipagtanggol ang karapatan at kapakanan ng ating mga manggagawa. Sa likod ng bawat manggagawa ay isang pamilyang umaasa sa kaniyang sahod para sa pagkain, tahanan, at disenteng pamumuhay.”

“Hindi namin sila pababayaan. Lalaban kami hanggang masolusyunan ito at matanggap ng ating mga manggagawa ang nararapat para sa kanila,” pagtatapos ng DOLE.