August 13, 2026

Home BALITA National

Photo op lang? Palasyo, dismayado sa ilang TUPAD beneficiaries na pinepeke paglilinis

Photo op lang? Palasyo, dismayado sa ilang TUPAD beneficiaries na pinepeke paglilinis
Photo ocurtesy: via MB

Pinuna ng Malacañang ang ilang benepisyaryo ng government emergency employment program na umano’y nagpapakuha lamang ng larawan o video habang kunwaring naglilinis ng mga daluyan ng tubig, sa halip na aktuwal na isagawa ang kanilang ipinapasang trabaho.

Inihayag ito ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro nitong Huwebes, Agosto 13, kasunod ng mga ulat tungkol sa umano’y pekeng cleanup photos at videos na kinasasangkutan ng ilang benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD).

Ayon kay Castro, nakapanghihinayang ang ganitong gawain dahil ang mga benepisyaryo ay binibigyan ng pansamantalang trabaho upang makatulong sa mga pangangailangan ng komunidad, kabilang ang paglilinis ng basura, clearing operations at pag-aalis ng bara sa mga kanal.

“Ito ay isang example lamang po. Yung mga hina-hire para sa TUPAD, sila ay in-engage para maglinis. Pero nakita po natin na ito ay nag-viral na yung iba ay magpapa-picture lang—kunwari may basurang winalis, pero after that ay aalis na rin,” ani Castro.

May mga pagkakataon din umanong ang basura mismo ang inilalagay o iniipon sa isang lugar upang magmukhang may isinasagawang cleanup operation.

National

LPA, posibleng maging bagyo; ngunit papalayo ng PAR

“Minsan sila pa ang nagtatambak ng basura para ipakitang may basura sa lugar. Wawalisin nila and then after that, nandoon lang,” dagdag niya.

Binigyang-diin ni Castro na hindi lamang para sa pagkuha ng litrato o paggawa ng content ang TUPAD, kundi isang programang naglalayong magbigay ng pansamantalang pagkakakitaan habang tinutugunan ang mga pangangailangan ng komunidad.

“Ang gobyerno ay binibigay po ang lahat, kayo po ay hina-hire para kahit papano ay meron kayong mapagkakitaan. Pero gawin niyo po ang inyong obligasyon dahil hindi po naman kayo hina-hire at binabayaran para gumawa lang ng fake videos,” ani Castro.

Ang pahayag ng Malacañang ay kasunod ng panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na tugunan ang lumalalang problema sa basura, lalo na matapos ang pagbaha sa Metro Manila na pinalala ng malalakas na pag-ulan dulot ng habagat.

Sa ilalim ng TUPAD, nagbibigay ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng emergency employment sa mga disadvantaged, displaced, underemployed at seasonal workers. 

Karaniwang kasama sa mga community-based project ang debris clearing, paglilinis ng mga pampublikong pasilidad, declogging ng mga kanal, waste segregation at iba pang gawaing pangkomunidad.