Kinumpirma ng De La Salle University (DLSU) sa Maynila na isang incoming student nila ang umano’y nahulog mula sa hindi pa natutukoy na palapag sa isang gusali sa loob ng kanilang campus.
Sa pamamagitan ng isang Facebook post nitong Huwebes, Agosto 13, kinumpirma ng La Salle ang naturang insidente.
“De La Salle University confirms that an incident occurred today involving an incoming student who fell from a building on the Manila campus,” anang unibersidad.
Saad pa nila, nakikipag-ugnayan na rin sila sa mga awtoridad at maging sa mga magulang ng sangkot na estudyante.
“DLSU has reached out to the parents of the student and are coordinating with the authorities,” anang La Salle.
Isinailalim na rin umano ang ilang estudyante sa counseling at nakiusap din ang unibersidad hinggil sa komento ng publiko sa nangyaring insidente sa loob ng kanilang paaralan.
“Out of respect for the student and the family’s privacy during this sensitive time, we request for the public’s cooperation in maintaining a supportive and compassionate environment,” saad pa nila.
Samantala, habang isinusulat ang artikulong ito ay wala pang pahayag ang mga awtoridad hinggil sa kabuuang impormasyon ng insidente. Wala pa ring inilalabas na impormasyon kung nasawi ang estudyante at kung may foul play sa pagkahulog niya sa hindi pa natutukoy na palapag ng naturang gusali.