August 13, 2026

Home BALITA Probinsya

Estudyanteng nasa classroom, tinamaan ng ligaw na pana sa leeg mula sa varsity team!

Estudyanteng nasa classroom, tinamaan ng ligaw na pana sa leeg mula sa varsity team!
Photo courtesy: Unsplash

Isang 15-anyos na babaeng estudyante ang nagtamo ng sugat matapos tamaan ng pana sa kaliwang bahagi ng leeg habang nasa loob ng classroom ng Salinungan National High School sa San Mateo, Isabela.

Batay sa paunang impormasyon mula sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) ng San Mateo, nag-eensayo ng archery sa labas ng classroom ang isa ring 15-anyos na atleta nang aksidenteng lumihis ang isang pinakawalang palaso at pumasok sa silid-aralan.

Tinamaan nito ang Grade 10 student na nasa loob ng classroom nang mangyari ang insidente.

Agad namang humingi ng tulong ang mga guro sa mga responder matapos makita ang kalagayan ng estudyante. 

Kaagad na isinugod ang biktima sa pagamutan para mabigyan ng kinakailangang atensiyong medikal.

Probinsya

Kanlaon, nagbuga ng 200-meter grayish plume

Kinailangang sumailalim sa operasyon ang dalagita noong gabi ng insidente dahil sa tinamong tama sa leeg. Sa mga huling ulat, nasa maayos na kalagayan na umano ang biktima matapos ang isinagawang medical procedure.

May aktibong archery program sa mga paaralan sa lugar. Sa mga tala ng Department of Education Region 2, kabilang ang mga paaralan sa San Mateo, Isabela sa mga lumalahok sa archery competitions, kabilang ang mga kategoryang Olympic round at team events.

Hindi pa malinaw sa ngayon kung ano ang eksaktong mga safety measures na ipinatutupad sa lugar kung saan isinasagawa ang ensayo at kung paano nakapasok sa classroom ang palaso.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang buong pangyayari at malaman kung may naging pagkukulang sa pagpapatupad ng mga safety protocol habang isinasagawa ang archery training.

Wala pa ring inilalabas na hiwalay na pahayag ang Department of Education (DepEd)-Isabela kaugnay ng insidente.

Samantala, patuloy na mino-monitor ang kondisyon ng biktima habang inaasikaso ang mga susunod na hakbang kaugnay ng insidente.