Nagbigay ng assurance si Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Vince Dizon sa taumbayan na hindi na puwede ang "kuwestyunableng funds" sa ahensya at babantayan na nila at ng iba pang mga awtoridad ang mga proyektong gagawin nito sa bawat local government unit.
Personal na nakapanayam ng mga miyembro ng media si Dizon matapos personal na bisitahin ang pagsasagawa ng pansamantalang pagkukumpuni sa kalsada at pagtambak sa mga butas sa Maysan Road sa Valenzuela City, ng mga manggagawa ng mga DPWH nitong Huwebes, Agosto 13, 2026.
Ayon kay Dizon, nasira ang naturang kalsada dahil sa pagbaha dulot ng tuloy-tuloy na pag-ulan na dala ng southwest monsoon o habagat.
Sinabi ni Dizon na naglaan ang ahensya ng ₱81 milyon para sa unang yugto ng pagkukumpuni sa kalsada, na inaasahang matatapos sa loob ng anim na buwan.
Kasabay nito, binigyang-diin ni Dizon ang kahalagahan ng pagbabatay sa pangangailangan ng mga komunidad sa pagpapatupad ng mga proyekto ng DPWH, gayundin ang mahigpit na pagbabantay sa kanilang implementasyon.
Nahingan kasi ng reaksiyon ang kalihim tungkol sa mga naging "pasabog" na testimonya ng dating kalihim ng ahensya na si Manuel Bonoan sa Sandiganbayan, na lahat umano ng mga senador sa 19th Congress ay nakatanggap ng bahagi ng ₱24-bilyong “leadership fund” para sa fiscal year 2025, bagay na pinabulaanan naman ni dating Senate President Juan Miguel "Migz" Zubiri.
Ayon pa kay Bonoan, may nakatakda umanong alokasyong hindi bababa sa ₱500 milyon para sa bawat senador, habang maaaring umabot sa ₱1 bilyon ang bahagi ng mga chairman ng komite.
“Hindi na po pupuwede ’yan, kasi kailangan po talaga, kailangan, lahat ibase sa pangangailangan ng mga kababayan natin. At hindi lang yun, kailangan pag kayang i-implement na, babantayan na natin..." aniya.
Ayon sa kalihim, bahagi ito ng kaniyang assurance sa publiko kaugnay ng paggamit ng malaking pondo para sa mga imprastraktura.
Dahil dito, hinimok ni Dizon ang publiko na maging mapagmatyag sa mga proyekto, partikular sa mga kalsadang ginagawa ng DPWH.
“Kaya importante po yung monitoring ng mga kababayan natin. Monitoring ng mga roads.” ani Dizon.
Binanggit din niya ang naging karanasan sa ilang lokal na pamahalaan sa Quezon City kung saan, aniya, hinikayat ang mga opisyal at residente na bantayan ang mga proyekto ng DPWH.
“Dati, di ba, Jessica (Soho) noong magkasama tayo sa Quezon City, ang sinasabi nila, ni Mayor Joy (Belmonte) ni Mayor (Benjamin) Magalong, ng mga mayor natin, hindi naman nila alam eh, kung ano yung project ng DPWH, bawal na ho 'yan ngayon. So kailangan bantayan,” dagdag niya.
Nagbabala rin ang kalihim na hindi palalampasin ng ahensya ang anumang mapatutunayang iregularidad sa mga proyekto.
“Kapag meron tayong mahuli, sigurado po kayo, 'yan ipapakulong natin, kamukha ng mga pinakulong natin, ng mga taong ito... kailangang matakot na sila..." aniya pa.
Binigyang-diin din ni Dizon na dapat magkaroon ng pananagutan ang sinumang mapatutunayang sangkot sa mga iregularidad, kabilang ang mga lokal na pamahalaan at iba pang katuwang sa pagpapatupad ng mga proyekto.