August 13, 2026

Home BALITA National

DepEd, nagpaalala: ATM payroll card, bawal gamiting collateral sa loan!

DepEd, nagpaalala: ATM payroll card, bawal gamiting collateral sa loan!
Photo courtesy: via MB/Pexels

Muling nagpaalala ang Department of Education (DepEd) sa lahat ng mga empleyado nito na mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit o pagsuko ng ATM payroll card bilang collateral sa anumang pautang o loan.

Nakasaad ito sa DepEd Memorandum No. 049, s. 2026, na may petsang Agosto 12, 2026, na naglalayong ipaalala sa mga kawani ng kagawaran ang umiiral na polisiya laban sa paggamit ng payroll ATM cards bilang garantiya sa utang.

Ayon sa DepEd, ang naturang paalala ay alinsunod sa naunang Office Memorandum na inilabas noong 2020 at sa advisory ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) noong 2023 hinggil sa tinatawag na “Sangla-ATM” scheme.

Itinuturing ng kagawaran na isang high-risk at mapang-abusong lending practice ang Sangla-ATM dahil maaari nitong ilantad ang mga empleyado sa hindi makontrol na pag-withdraw, financial exploitation, labis na pagkakautang at maling paggamit ng personal at sensitibong impormasyon.

Dahil dito, hinikayat ng DepEd ang mga empleyado nito na maging maingat at mapanuri bago pumasok sa anumang kasunduan sa pautang.

National

Impeachment case, grave threats case vs VP Sara, magkaiba ang nature—Castro

Pinayuhan din ang mga kawani na umiwas sa mga impormal o hindi awtorisadong lending scheme, lalo na iyong nagpapataw ng labis na interes, hindi patas na kondisyon o mapang-abusong terms.

Sa halip, inirekomenda ng DepEd na gumamit lamang ng accredited, authorized at regulated loan facilities na naaayon sa umiiral na mga patakaran ng kagawaran at pamahalaan.

Kabilang sa mga binanggit na maaaring pagkunan ng pautang ang mga loan program ng Government Service Insurance System (GSIS), DepEd Provident Fund, Land Bank of the Philippines at Pag-IBIG Fund, gayundin ang mga lending company na rehistrado sa Securities and Exchange Commission (SEC) at mga pribadong lending institution na kinikilala ng DepEd.

Hinimok naman ang mga DepEd personnel na protektahan hindi lamang ang kanilang payroll account kundi pati ang kanilang personal at sensitibong impormasyon.

Para sa mga katanungan at concerns kaugnay ng usaping ito, maaari daw makipag-ugnayan sa Finance Service-Employee Account Management Division ng DepEd Central Office.

Samantala, iniutos ng DepEd ang agarang pagpapalaganap at mahigpit na pagsunod sa naturang memorandum.