Arestado ang isang 42-anyos na delivery rider matapos umanong holdapin ang isang burger stand sa E. Rodriguez Avenue, Quezon City.
Unang namataan sa CCTV ang motorsiklong sinakyan ng suspek na dumaan sa E. Rodriguez Avenue bago ito lumiko patungong Balete Drive.
Ayon sa imbestigasyon, umorder muna umano ang suspek ng dalawang burger bago naglabas ng baril at nagdeklara nangholdap. Dahil sa takot, napilitan ang 34-anyos na babaeng empleyado na ibigay ang halos ₱5,200 na kita ng establisyemento.
Bukod sa pagkawala ng pera, nakaranas din umano ng matinding takot ang empleyado dahil sa banta ng suspek.
Sinundan ng mga awtoridad ang ruta ng rider sa pamamagitan ng backtracking sa mga CCTV camera. Nakatulong din sa pagtukoy sa suspek ang isang transaksiyon sa e-wallet na isinagawa nito sa isang tindahan sa Marikina.
Napag-alaman ng pulisya na peke ang plaka ng motorsiklong ginamit ng suspek matapos beripikahin ang impormasyon sa Land Transportation Office (LTO).
Nadakip ang lalaki sa sa San Jose del Monte, Bulacan matapos siyang dumalo sa kaarawan ng isang kaanak.
Narekober mula sa kaniya ang gun replica, motorsiklo at mga pekeng plaka.
Ayon sa pulisya, umamin ang suspek sa panghoholdap at sinabi umanong baon siya sa utang, kabilang ang mga pagkakautang na iniugnay niya sa online gambling.
Lumabas din sa record ng mga awtoridad na dati na siyang nasangkot sa kasong pagnanakaw sa Bulacan.
Iniimbestigahan din kung may kaugnayan siya sa iba pang insidente ng panghoholdap sa Cainta, Marikina at Quezon City.
Nasa kustodiya na ng Galas Police Station ang suspek at nahaharap sa reklamong robbery at paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.