August 13, 2026

Home BALITA Metro

Caregiver, pinagnakawan amo niyang PWD; ₱600k at alahas, nilimas!

Caregiver, pinagnakawan amo niyang PWD; ₱600k at alahas, nilimas!
Photo courtesy: Unsplash

Arestado ang isang caregiver matapos nakawin ang halos ₱600,000 halaga ng pera at alahas mula sa kaniyang 77-anyos na amo na isang person with disability (PWD) sa Barangay San Antonio, Makati City.

Ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO), natuklasan ng pamilya ng biktima ang umano’y pagkawala ng mga gamit bandang 7:00 ng umaga noong Miyerkules, Agosto 12.

Napansin umano ng pamilya na may nangyaring paggalaw sa isang sobre na nakalagay sa bag ng biktima. 

Sa halip na pera, natagpuan sa loob nito ang mga piraso ng puting papel na pinutol at inayos upang magmukhang mga tunay na perang papel.

Tinatayang ₱594,787 ang kabuuang halaga ng mga nawawalang ari-arian. Kabilang dito ang ₱294,787 cash, isang gintong bracelet at gintong singsing na tinatayang nagkakahalaga ng ₱300,000.

Metro

Incoming student ng La Salle, nahulog umano mula sa campus building!

Nang komprontahin ng pamilya ang caregiver, umano’y inamin nito ang pagkuha sa pera at mga alahas.

Bilang pagtatangkang ibalik ang bahagi ng nakuhang halaga, nagpadala ang suspek ng ₱15,000 sa complainant sa pamamagitan ng GCash at isinuko rin ang kaniyang iPhone, ayon sa pulisya.

Makalipas ang ilang oras, dakong 8:40 ng gabi, tuluyang naaresto ang caregiver ng mga awtoridad.

Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong qualified theft at isinailalim sa inquest proceedings sa Makati City Police Station habang inihahanda ang mga dokumentong kailangan para sa pormal na pagsasampa ng kaso.

Patuloy namang iniimbestigahan ng pulisya ang insidente at inaalam ang buong detalye ng umano’y pagnanakaw.