Umabot sa 418 metric tons o katumbas ng 96 truckloads ng basura ang nahakot sa Redemptorist Water Channel sa Barangay Baclaran, Parañaque City, matapos ang malawakang paglilinis ng mga awtoridad.
Isinagawa ang clearing operation ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Environment and Natural Resources (DENR), at pamahalaang lungsod ng Parañaque.
Gayunman, muling dumami ang basura sa bukas na kanal kasunod ng malalakas na pag-ulan nitong mga nakaraang araw dahil sa pinalakas na habagat.
Ayon sa City Environment and Natural Resources Office (CENRO), naanod patungo sa bahagi ng kanal ang mga basurang naipon malapit sa tulay sa Macapagal Avenue, dahilan upang muling bumigat ang garbage buildup.
Tatlong trash trap naman na nakalagay malapit sa Manila Bay at Diosdado Macapagal Boulevard ang bumigay dahil sa dami ng basura na sinabayan pa ng malakas na hangin at ulan.
Patuloy ang clearing operation ng mga awtoridad upang maalis ang mga nakaharang na basura, mapabuti ang daloy ng tubig at mabawasan ang panganib ng pagbaha sa mga kalapit na lugar.
Nauna nang inilarawan ni Public Works Secretary Vince Dizon bilang isang “garbage crisis” ang malaking volume ng basurang naipon sa lugar at sinabing hindi lamang Metro Manila ang apektado ng problema.
Sa kaniyang inspeksiyon sa lugar, sinabi rin ni Dizon na ngayon lamang umano nakapagtala ng ganoon kalaking akumulasyon ng basura sa water channel, na iniuugnay sa mataas na tubig-dagat na sinabayan ng mga pag-ulan dulot ng habagat.
“Ang sabi sa akin ng Parañaque City government, first time ito nangyari,” ani Dizon.
“So, pinapakita rin talaga na, ang grabe na talaga ang sitwasyon ng basura natin,” aniya pa.
Patuloy namang mino-monitor at nililinis ng mga kinauukulang ahensya ang kanal upang maiwasan ang panibagong pagbara at mapanatili ang maayos na pagdaloy ng tubig sa lugar.