Tila nagkaroon ng negatibong impresyon ang publiko sa aktor na si Jericho Rosales matapos magpainterbyu ang kapatid nitong si Jeremiah Rosales sa vlog ni broadcast-journalist Julius Babao.
Nabanggit dito ni Jeremiah ang tungkol sa naging buhay niya noong isang buwan siyang nagtago sa Bicol. Namasukan siya bilang construction worker ngunit kalaunan ay bumalik din sa pamilya dahil sa hirap ng buhay.
Kaya sa latest “Showbiz Updates” nitong Miyerkules, Agosto 12, napag-usapan ang naging reaksyon ng netizens sa panayam ni Julius kay Jeremiah.
Ayon kay showbiz insider Ogie Diaz, “Parang ‘yong mga netizen, after watching the vlog e parang kinukuwestiyon na parang pinabayaan ni Jericho ‘yong kapatid niya, which is not true.”
“Kasi ‘yon nga ‘yong nagiging impression, e. ‘Bakit hinayaang magkarpintero? Bakit hinayaang mag-construction ni Jericho ‘yong kapatid niya? Ang ganda-ganda ng trabaho niya, bakit hindi niya tulungan ang kapatid niya?’ Nami-misinterpret tuloy,” dugtong pa ni Ogie.
Ito raw ang dahilan kung bakit nagpadala ang abogado ni Jericho ng demand letter kay Julius para ipabura ang nasabing vlog kung saan tampok si Jeremiah.
Sa kasalukuyan, hindi na makikita pa ang YouTube channel ng broadcast-journalist na naturang video.
Matatandaang nakatakda sanang ipasok si Jeremiah sa rehabilitation facility noong Hunyo 20 dahil sa lumalala nitong kondisyon. Ngunit nakatakas raw ito bago pa man maipasok sa rehab.
Maki-Balita: Utol ni Jericho Rosales, nahanap na!