Uminit ang palitan ng pahayag ng depensa at prosekusyon sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte matapos magkaroon ng pagtatalo sina private prosecutor Atty. Lorna Kapunan at defense counsel Atty. Kristine Ferrer kaugnay ng pagtatanong sa testigong si Commission on Audit (COA) auditor Xylene del Campo, nitong Miyerkules, Agosto 12.
Naganap ang tensiyon matapos kuwestiyunin ni Atty. Ferrer ng defense team ang paraan ng pagsagot ng testigo at igiit na dapat munang tumugon si Del Campo ng “yes or no” sa mga tanong ng depensa.
Ayon kay Ferrer, maaari namang magtanong ng clarificatory questions ang prosekusyon sa kanilang redirect examination.
Hindi naman ito sinang-ayunan ni Atty. Kapunan ng prosecution team.
“Your Honor, not all questions can be answered by yes or no,” pahayag ng beteranang abogado.
Nang sabihin ni Ferrer na nasa cross-examination siya, iginiit ni Kapunan na may mga limitasyon pa rin sa ganitong uri ng pagtatanong.
“Never mind if you’re on cross. There are limits to cross-examination. Misleading questions are not allowed on cross.”
Nang sabihin naman ni Ferrer na pinapayagan ang misleading questions, mabilis na sumagot si Kapunan.
“I don’t think I need to lecture you that,” ani Kapunan.
Dahil dito, namagitan na si Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero upang pababain ang tensiyon sa loob ng impeachment court.
Paalala ni Escudero sa dalawang kampo: “Counsels, let’s not allow the generational or seeming generational divide increase the tension in the courtroom. Let’s keep it a notch lower.”
Sa halip na palalain ang sagutan, nagbiro naman si Kapunan tungkol sa kanyang pagpipigil.
“I am preventing myself from giving her a spanking, Your Honor. That’s what I would have done in the generational divide,” ani Kapunan.
Agad naman niyang sinabing susubukan niyang panatilihin ang kanyang pagiging kalmado.
“I promise to henceforth, behave,” dagdag niya.
Sa kabila ng tensiyon, nagpatuloy ang pagdinig matapos mamagitan ang presiding officer at paalalahanan ang magkabilang panig na panatilihing maayos ang proseso.
Samantala, pinalagan naman ni Ferrer ang mga side comment ni Kapunan na sana raw ay iwasan habang nasa trial.