Narekober ng Coast Guard District Southeastern Mindanao (CGDESM) ang bangkay ng isang 15-anyos sa katubigang saklaw ng Davao City nitong Martes, Agosto 11 matapos ang kanilang tatlong araw na “search and rescue” operation.
Batay sa pahayag ng CGDESM, biktima ng pagkalunod ang menor de edad.
Nakuha ito bandang 6:30 ng umaga nitong Agosto 11, tinatayang 300 metro mula sa Davao Fishport Complex.
Sa pakikipag-ugnayan ng Coast Guard Sub-Station (CGSS) Daliao sa isang Monitoring, Control, and Surveillance (MCS) 3007 personnel, agad na naibiyahe ang bangkay ng menor de edad sa Davao Fishport Complex.
Ayon sa CGDESM, dumating ang mga magulang ng menor de edad sa Davao Fishport Complex na nakatulong sa pagkumpirma ng pagkakakilanlan ng bangkay.
Kasunod ng dokumentasyon at karagdagang koordinasyon, matagumpay na nai-turnover ang bangkay sa mga awtoridad upang matiyak ang maayos na disposisyon nito.