August 10, 2026

Home BALITA Probinsya

Traffic enforcer na nangumpiska ng hindi lisensyadong motor, tinodas ng rider!

Traffic enforcer na nangumpiska ng hindi lisensyadong motor, tinodas ng rider!
Photo courtesy: Unsplash

Patay ang isang traffic enforcer matapos siyang barilin dahil sa pagtanggi niyang i-release ang isang impounded na motorsiklo sa Barangay Burol 1, Dasmariñas City, Cavite noong Agosto 8, 2026.

Kinilala ang biktima sa alyas na “Rans,” residente ng Dasmariñas City, na noon ay naka-duty kasama ang kapwa traffic enforcer na si alyas “Elmer” nang mangyari ang insidente dakong 5:48 ng hapon.

Agad na isinugod si “Rans” sa Pagamutan ng Dasmariñas para malapatan ng lunas, ngunit pumanaw siya dakong 8:00 ng gabi habang ginagamot.

Ayon sa paunang imbestigasyon ng Dasmariñas City Component Police Station, una umanong sinita ng mga traffic enforcer ang isang motorsiklo na sakay ang isang lalaki at babae na kapwa walang suot na helmet.

Nang beripikahin, napag-alamang paso na ang rehistro ng motorsiklo habang wala umanong valid driver’s license ang lalaking nagmamaneho.

Probinsya

Bunsod ng habagat: Angat Dam water level, umangat ng higit 8 meters!

Dahil dito, isinailalim sa impounding ang motorsiklo at iniwan muna sa lugar habang hinihintay ang towing.

Makalipas ang ilang oras, bumalik umano sa intersection ang suspek na kinilalang alyas “Cezar” at paulit-ulit na hiniling na ibalik sa kaniya ang impounded na motorsiklo.

Nang tumanggi si “Rans,” umano'y bumunot ng baril ang suspek at binaril ang traffic enforcer sa sentido bago tumakas nang naglalakad patungo sa Barangay H2, Dasmariñas City.

Agad naglunsad ng manhunt operation ang pulisya laban sa suspek na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa nasasakote.

Sinusuri rin ng mga awtoridad ang mga available na CCTV footage sa lugar habang kinokolekta ang mga pahayag ng mga kasamahan ng biktima at iba pang saksi.

Nagpaabot naman ng mariing pagkondena si Cavite Police Provincial Director PCOL Ariel Red.

“We strongly condemn this senseless act of violence against a traffic enforcer who was simply performing his lawful duty. No individual has the right to use violence or threaten the lives of those who are enforcing the law and maintaining order in our communities,” aniya sa press release noon ding Linggo, Agosto 9.

Nanawagan din ang pulisya sa mga nakasaksi sa insidente o may hawak na CCTV footage na makipag-ugnayan sa mga awtoridad at magbigay ng anumang impormasyong makatutulong sa imbestigasyon at pagkakadakip sa suspek.