Arestado ang isang 55-anyos na lalaki matapos umanong itago sa freezer ang bangkay ng kaniyang 90-anyos na ama sa loob ng dalawa't kalahating taon upang hindi mairehistro ang pagkamatay nito at patuloy na makuha ang pensiyon.
Nadakip ang suspek matapos mabunyag ang umano'y pagtatago niya sa bangkay ng kaniyang ama.
Nagsimula ang imbestigasyon nang makatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad na matagal nang hindi nakikita ang biktima na ipinanganak noong 1936.
Ipinatawag sa pulisya ang kaniyang 55-anyos na suspek upang magbigay ng pahayag. Sinabi umano nito na umalis ang kaniyang ama at nakatira na sa Athens, Greece.
Gayunman, nang makipag-ugnayan ang mga pulis sa kapatid ng suspek na nakatira sa Athens, sinabi nitong ilang taon na rin niyang hindi nakikita ang kanilang ama at sa kaniyang kapatid umano ito nakatira.
Dahil dito, nagtungo ang mga pulis kasama ang isang mahistrado sa isang dating hotel na pagmamay-ari ng suspek at ginagawa na nitong tirahan sa Peloponnese, Greece.
Sa basement ng gusali, natagpuan umano ang bangkay ng 90-anyos na ama sa loob ng isang freezer. Nakarekober din ang mga awtoridad ng isang air pistol.
Sa pag-aresto sa suspek, inamin umano nitong namatay na ang kaniyang ama dulo’t ng katandaan.
Itinago umano nito ang pagkamatay upang patuloy na matanggap ang pensiyon ng kaniyang ama.
Dumating sa lugar ang isang medical examiner kasama ang forensic specialists mula Sparta at iniutos ang pagsasagawa ng autopsy sa bangkay upang matukoy ang eksaktong sanhi at iba pang detalye ng pagkamatay.
Isinampa naman ang reklamo laban sa suspek kaugnay ng pagbibigay ng maling pahayag, paulit-ulit na panloloko at paglabag sa batas hinggil sa armas.
Inaasahang haharap ang suspek sa isang mahistrado habang nagpapatuloy ang paunang imbestigasyon ng Sparta Crime Investigation and Prosecution Division.