August 10, 2026

Home BALITA National

DOH, nakabantay sa kalusugan ng mga apektado ng sama ng panahon

DOH, nakabantay sa kalusugan ng mga apektado ng sama ng panahon
Photo courtesy: Department of Health (Philippines)/FB


Iginiit ng Malacañang na nakahanda ang Department of Health (DOH) upang siguruhing mamamatahan ang kalusugan ng mga residenteng apektado ng sama ng panahong dala ng southwest monsoon o habagat.

Sa press briefing na ikinasa ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Lunes, Agosto 10, sinabi ni PCO Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro na ito raw ay nakalinya base sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.

“Alinsunod sa kautusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., nakabantay na rin ngayon ang Department of Health sa iba’t ibang lugar upang mabantayan ang kalusugan ng mga residenteng apektado ng sama ng panahon,” saad ni Usec. Castro.

Aniya, “Sa utos ng Pangulo, pinagana ng DOH ang kanilang Leptospirosis at Dengue Fast Lanes sa lahat ng kanilang hospitals at BUCAS centers.”

“Binigyang-diin ng Pangulo na dapat handa ang mga ospital sakaling tumaas ang kaso ng leptospirosis at dengue sa mga apektadong lugar,” dagdag pa niya.

National

'This will take time!' Sec. Dizon, idiniing walang 'overnight solution' sa problema sa baha

Anang press officer, ready na rin ang mga gamot at health emergency response team upang saklolohan ang mga mangangailangang residente.

“Nakahanda rin ang mga gamot na puwedeng ibigay sa mga lokal na pamahalaan; at dapat siguruhing handa ang health emergency response team para umikot sa mga evacuation centers upang maagapan ang pagkakasakit ng mga evacuees,” anang press officer.

Dagdag pa niya, “Ipinag-utos din ng Pangulo na tiyakin ang kapakanan ng mga barangay health workers na sumusuong sa baha at putik para sumaklolo sa mga nangangailangan.”

“Siniguro naman ng DOH na may mga sapat na breastmilk ang mga DOH hospitals para sa mga nangangailangang mga sanggol—lalo na sa ganitong panahon,” aniya pa.

Ayon pa sa Palasyo, aabot sa kabuuang ₱44 milyon ang health emergency commodities at response supplies ng DOH na nakahanda para sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, at Bicol Region.