Sinuspinde ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang expanded number coding scheme ngayong Lunes, Agosto 10.
Sa inilabas na abiso ng MMDA nitong Lunes ng umaga, Agosto 10, sinuspinde ang nasabing coding scheme bunsod ng patuloy na pagbuhos ng ulan sa iba’t ibang bahagi ng bansa dulot ng southwest monsoon o habagat.
“ABISO: Suspendido ang pagpapatupad ng Expanded Number Coding Scheme ngayong araw, Agosto 10, Lunes, dahil sa patuloy na pag-ulan dulot ng habagat,” saad ng MMDA sa kanilang abiso.
Nagbaba rin ng ilang paalala ang ahensya hinggil sa maingat na pagmamaneho at pagpaplano sa pagbiyahe sa gitna ng kasalukuyang lagay ng panahon.
“Paalala ng MMDA: planuhin ang biyahe, mag-ingat sa pagmamaneho, at manatiling nakatutok sa mahahalagang impormasyon kaugnay sa lagay ng panahon,” anang ahensya.
“Alamin ang flood monitoring updates at lagay ng trapiko sa mga pangunahing lansangan ng Metro Manila sa MMDA Facebook page o i-dial ang 136 Hotline,” pagtatapos ng MMDA.
Ayon sa ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nito ring Lunes ng umaga, Agosto 10, inaasahan ang patuloy na pag-ulan ngayong araw sa iba’t ibang bahagi ng Luzon, at maging sa ilang parte ng Western Visayas—dulot pa rin ng habagat.