Aabot na sa walo ang napaulat na nasawi sa pinagsamang epekto ng tropical cyclone (TC) Luis, Maymay, at southwest monsoon o habagat, batay sa datos na inilabas ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Lunes, Agosto 10.
Ayon sa NDRRMC, dalawa ang nasawi mula sa Benguet dahil sa landslide; dalawa sa Rodriguez, Rizal dahil sa rockslide; isa sa Antipolo City, Rizal matapos mabagsakan ng puno; isa sa Batangas City matapos malunod; isa sa Lipa City dahil sa electrocution; at isa rin sa Santa Teresita, Batangas bunsod ng isang landslide.
Samantala, isa namang residente ang napaulat na nawawala sa Batangas.
Anang ahensya, aabot sa 752,000 indibidwal mula sa iba’t ibang rehiyon sa bansa ang apektado ng pinagsamang epekto ng TC Luis, Maymay, at habagat.
Libo-libo ring residente ang nananatili sa daan-daang evacuation centers sa bansa sa kasalukuyan.
Aabot naman sa ₱33.94 milyong halaga ng tulong ang ipinaabot para sa mga apektadong pamilya at indibidwal.