August 09, 2026

Home BALITA Probinsya

Tuloy ang libing! Kabaong, isinakay sa 'styrofoam boat' para maitawid sa baha

Tuloy ang libing! Kabaong, isinakay sa 'styrofoam boat' para maitawid sa baha
Photo courtesy: Screenshots from Randy Laviña/FB

Hindi inalintana ang malakas na buhos ng ulan na nagresulta sa pagbaha, inihatid sa huling hantungan ang mga labi ng isang 80-anyos na babae mula sa Barangay Dela Paz, Biñan City, Laguna nitong tanghali ng Linggo, Agosto 9, 2026.

Sa ulat ng GMA News, bagama't makikitang lubog sa baha ang bahagi ng daanan patungo sa lugar ng libing, kinailangan ng mga nakipaglibing na gumamit ng improvised na bangka na gawa sa styrofoam upang maitawid ang kabaong.

Maingat na isinakay sa naturang improvised boat ang kabaong at itinulak o hinila ito hanggang sa marating ang bahagi ng lugar na mababaw na ang baha at maaari nang daanan ng sasakyan at karo.

Habang isinasagawa ang pagtawid, naglakad naman ang mga kaanak at iba pang nakipaglibing sa baha habang sama-samang binubuhat at itinutulak ang kabaong.

Pinasalamatan naman ng mga kaanak ng inilibing ang kapitan ng barangay na si Randy Laviña dahil sa anila'y pagtulong nito sa kanila. 

Probinsya

Estudyanteng umawat sa away-mag asawa, binaril!

Samantala, nagkansela na ng klase ang ilan sa mga lugar sa Luzon para sa Lunes, Agosto 10, dahil sa inaasahang patuloy ba sama ng panahon dahil sa habagat.