Binigyang-linaw ng Department of Migrant Workers (DMW) na hindi lang daw ₱10,000 ang ibibigay para sa mga Overseas Filipino Worker (OFW) na bahagi ng repatriation effort ng gobyerno.
Ito ay sa ilalim ng programa ng DMW na AKSYON Fund o Agarang Kalinga at Saklolo para sa mga OFW na Nangangailangan.
Sa latest Facebook post ng DWM nitong Linggo, Agosto 9, sinabi nilang ang ₱10,000 na matatanggap ng pinauwing OFW ay arrival assistance pa lang.
Bukod pa umano rito ang 10,000 onsite assistance at karagdagang ₱10,000 na ibibigay ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Samakatuwid, maaari umanong makatanggap ang repatriated OFW ng hindi bababa sa ₱30,000 bilang direktang financial assistance.
Hiwalay pa umano rito ang gastos ng gobyerno sa pagpapauwi at iba pang kinakailangang tulong tulad ng accommodation, pagkain, at transport.
Samantala, pwede pa raw madagdagan ang ibibigay na tulong sa repatriated OFW sa oras na matapos ang assessment para sa legal, welfare, at medical.
Tinatayang aabot ito ng ₱50,000 hanggang ₱75,000 lalo na raw kung may serious medical condition ang OFW.
Inaasahan ding makakatanggap ng hanggang ₱50,000 ang mga OFW na biktima ng illegal recruitment at human trafficking.