Iimbestigahan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kung bahagi ng proyekto ng gobyerno o pribadong proyekto ang bahagi ng pader sa Forbes Park na gumuho sa kahabaan ng EDSA-Ayala noong gabi ng Sabado, Agosto 8, 2026.
Ayon kay MMDA General Manager Nicolas Torre III, hindi pa matukoy ng mga awtoridad kung sino ang nagtayo ng naturang pader at kung kailan ito itinayo.
“Yun ang magiging subject ng ating investigation kasi kagabi, walang makapagsabi kung sino ang gumawa at kung kailan ginawa,” ani Torre sa isang radio interview nitong Linggo, Agosto 9.
Gumuho ang bahagi ng pader sa EDSA-Ayala na una umanong nakaapekto sa dalawang lane ng kalsada.
Sinabi ni Torre na posibleng nakaambag sa pagbagsak ng pader ang tuloy-tuloy na pag-ulan dulot ng southwest monsoon o habagat.
Gayunman, sa isinagawang inspeksyon, napansin umano ng MMDA ang ilang posibleng extension o enhancement sa pader na maaaring wala sa orihinal nitong disenyo.
“Ang tingin natin doon, may mga enhancement, may mga extension na ginawa na wala na sa design kaya noong tuloy-tuloy ang ulan at nag-absorb ng tubig, hindi niya kinaya,” anang General Manager ng MMDA.
Ipinaliwanag ni Torre na binubuo ng dalawang pader ang istruktura. Mas mataas umano ang panlabas na pader habang mas mababa ngunit mas matibay naman ang pader na nasa loob ng compound.
Nanatiling nakatayo ang inner wall habang ang panlabas na bahagi ang gumuho.
Ayon pa kay Torre, gawa sa tubular steel na tinatayang 2 by 2 inches ang panlabas na pader, na nilagyan ng drywall sa ibabaw.
Tila matagal na rin umanong naitayo ang naturang panlabas na pader.
Samantala, nagpapatuloy ang clearing operations sa lugar gamit ang mga heavy equipment upang alisin ang mga debris mula sa gumuhong istruktura.
Wala namang naitalang nasugatan sa insidente.