Muling nagpahayag ng pagkadismaya ang TV host na si Bianca Gonzalez sa umano’y korapsyon sa mga proyekto ng flood control, kasabay ng panibagong pag-ulan at pagdating ng mga bagyo sa bansa.
Sa kaniyang Facebook post noong Biyernes, Agosto 7, sinabi ni Bianca na posibleng muling makita ng publiko ang epekto ng mga kuwestiyonableng flood control project habang patuloy na nararanasan ng mga komunidad ang pagbaha.
Aniya, ang pinakanaaapektuhan sa ganitong sitwasyon ay ang mga ordinaryong mamamayang araw-araw na nagsisikap magtrabaho upang matustusan ang kanilang pamilya.
“Nagsimula na naman ang pag-ulan at pagdating ng sunud-sunod na bagyo, magkakaalaman na naman ng mga lugar na ghost project lang ang milyones na flood control budget, at ang pinaka-mapeperwisyo na naman ay ang mga mamamayang ang nais lang sa araw-araw ay magtrabaho ng maayos at masuportahan ang pamilya," aniya.
Dahil dito, nanawagan si Bianca sa publiko na huwag kalimutan ang mga alegasyon ng katiwalian at maging mapanuri sa pagpili ng mga sinusuportahang kandidato sa halalan.
“Paalala lang sa lahat na huwag kalimutan, huwag magpabulag, huwag nang ibigay ang suporta sa mga pulitikong kinukurakot ang kaban ng bayan.”
Hindi ito ang unang pagkakataon na nagsalita si Bianca tungkol sa kontrobersiya sa flood control projects. Isa si Bianca sa mga celebrity na bumoboses at nagpapahayag ng pagkadismaya sa isyu ng katiwalian sa bansa at pagwaldas ng pera ng taumbayan at sinabi niyang mas mainam sanang mapunta sa maayos na public transportation ang bilyon-bilyong pisong pondo kaysa sa mga tinatawag na “ghost flood control projects.”
Nauna rin siyang nanawagan na managot ang mga taong sangkot sa umano’y paglustay ng pondo at maibalik, kung maaari, ang pera ng taumbayan.
Ang isyu ng mga tinatawag na “ghost projects” ay naging sentro ng mga imbestigasyon at ulat kaugnay ng flood control spending. Sa mga naunang ulat, may mga opisyal na umamin sa pagkakaroon ng mga proyektong hindi umano umiiral o hindi aktuwal na naipatupad.