Isang pangarap na matagal na hinintay ang tuluyang natupad para sa character actress na si Cai Cortez, anak ng batikang aktor na si Rez Cortez, matapos niyang makapagtapos ng kolehiyo habang pinagsasabay ang trabaho bilang isang aktres, at solo parent sa kaniyang anak.
Ibinahagi ni Cai sa Instagram post ang graduation photos niya kamakailan, at nag-iwan ng emosyonal na mensahe para sa kaniyang mga magulang, na naging bahagi ng kaniyang paglalakbay tungo sa pagkamit ng diploma.
Sey pa ni Cai, 20 years in the making daw bago niya nakamit ang inaasam na Bachelor of Science in Political Science, major in Local Government Administration, na kinuha niya sa University of Makati (UMak).
Nagpasalamat din siya kina Sir Thad at matalik na kaibigang aktres na si Tart Carlos, na tumulong umano upang makapag-enroll siya sa programa.
At siyempre pa, pinasalamatan niya ang mga magulang na sana raw, proud sa bagong achievement niya.
"20 years in the making. Mom and Dad, sana proud kayo kahit it took this long to give you a diploma. Will forever be grateful to @umakph for giving opportunities to people like me na gustong makatapos kahit nagwwork and solo mother of 2," aniya.
Bukod sa pagiging aktres at solo mom, magagamit din ni Cai ang napag-aralan niya dahil isa rin siyang public servant, bilang municipal councilor sa Taytay, Rizal.
Sa naging panayam kay Cai sa "Fast Talk with Boy Abunda" noong Hulyo, inamin ni Cai na solo parent na lamang siya, at hiwalay na sila ng estranged husband na si Wissem Rkhami, isang Tunisian national.