Isang kakaibang dining experience ang iniaalok ng isang steakhouse, kung saan maaaring kumain ang mga customer nang walang kahit na anong saplot.
Ang C.L.A.S.S. Soiree Steakhouse ay nagsasagawa ng clothing-optional five-course dinner tuwing unang Lunes kada buwan sa Florida.
Umaabot umano sa 20 katao ang karaniwang dumadalo sa naturang event, na nagkakahalaga ng $250 para sa mga lalaki, $150 para sa mga babae at $300 para sa mag-asawa o couples.
Ayon sa ilang international news outlets, nagsisimulang maghubad ang mga bisita pagpasok sa restaurant, habang may mga pribadong lugar na nakalaan para sa pagpapalit ng damit.
Iginiit naman ng chef at may-ari ng restaurant na si Maurad Ali na propesyonal ang kanilang mga empleyado at nakatuon ang event sa pagkain at pakikisalamuha.
“I’m the chef and owner; my crew, we are all professionals,” ani Ali sa media.
Upang mapanatili ang privacy ng mga dumadalo, kinakailangang nakasuot ng damit ang mga empleyado habang tinatakpan din ang mga bintana ng restaurant upang hindi makita ng mga nasa labas ang nangyayari sa loob.
Ayon sa ulat, kinumpirma rin ng mga opisyal ng lungsod na legal ang naturang event dahil sa mga ipinatutupad na patakaran.
Kabilang sa mga pangunahing patakaran ng restaurant para sa mga nakahubad na cutomers ay:
Nasa edad 18-anyos lamang ang maaaring sumali sa event
“No touching” nang walang pahintulot sa isang indibidwal
Right to refuse service
Sinabi ni Ali na naisip niya ang konsepto upang makahikayat ng mga bagong customer at makapagbigay ng kakaibang karanasan sa mga taong interesado sa naturang lifestyle.
“It’s more so a gathering - to get to know people, new people in the city, in the lifestyle,” pahayag naman ng hostess na si Tashaeba Hart sa panayam sa kaniya ng media.