August 07, 2026

Home BALITA Probinsya

Lalaking tumawag sa ‘911’ dahil hinahanap jowa, arestado

Lalaking tumawag sa ‘911’ dahil hinahanap jowa, arestado
Photo courtesy: DILG (FB)

Inaresto ng mga awtoridad ang isang 19-anyos na lalaki sa Laguna dahil sa pagsusumite ng gawa-gawang emergency report sa Unified 911 hotline para hanapin ang jowa niya.

Batay sa pahayag ng PNP Regional Office 4A noong Huwebes, Agosto 6, nahuli ang “prank caller” na si alyas “Nathan” matapos makumpirma ng isang personnel ng Santa Rosa Component City Police Station na gawa-gawa lang ang itinawag niyang insidente ng nakawan sa Balibago Commercial Complex, Santa Rosa City, Laguna noong Martes, Agosto 4. 

Sa karagdagang imbestigasyon ng kapulisan, napag-alaman nilang tumawag lang si Nathan para mahanap ang lokasyon ng kaniyang nobya matapos silang magkaroon ng hindi pagkakaintindihan. 

Napag-alaman ding si Nathan ay residente ng Barangay Don Jose, Santa Rosa City, Laguna at dinala siya sa Santa Rosa Component City Police Station para sa maayos na dokumentasyon bago ang nakatakda niyang pagsailalim sa inquest proceedings dahil sa kasong Unjust Vexation.

Ayon pa sa PNP, may kahaharapin ding karampatang kaso si Nathan dahil sa pagsusumite ng gawa-gawang report sa Unified 911. 

Probinsya

Gurong may kakumpetensya sa pagtitinda ng pastil, nag-death threat sa eskwelahan?

Sa pagtatapos ng pahayag, ipinaalala ni Acting Regional Director PBGEN Dominic L. Baccay na “lifeline” ang Emergency Hotline 911 at hindi nakalaan para sa anumang pranks o mga gawa-gawang ulat dahil nagsisilbi itong pangangambala sa responders.

Kaya hinikayat ni Baccay ang publiko na maging responsable sa paggamit ng hotline dahil ang anumang pang-aabuso rito ay may karampatang kaparusahan sa batas. 

“Emergency Hotline 911 is a lifeline, not a hotline for pranks or fabricated reports. Every false call diverts our responders and resources from people who may be facing real emergencies. We urge the public to use the hotline responsibly because abusing this service has serious legal consequences,” paalala ni Baccay.