August 06, 2026

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Sassa Gurl nag-sorry sa kataklesahan, kakanalan niya: 'I take accountability for that!'

Sassa Gurl nag-sorry sa kataklesahan, kakanalan niya: 'I take accountability for that!'
Photo courtesy: Sassa Gurl, AC Bonifacio (FB)

Humingi ng paumanhin sa publiko ang content creator na si Sassa Gurl matapos sitahin ng mga netizen ang naging hirit na biro niya sa Kapamilya artist na si AC Bonifacio, na co-cast member niya sa upcoming Regal Entertainment movie na "Saving Cherry," na naganap sa grand media conference nito kamakailan.

Hindi nagustuhan ng netizens, lalo na ang Kapamilya fans at maging mga tagasuporta ni AC, ang pang-uurot ni Sassa sa kaniya tungkol sa mga Kapuso.

Sa naturang mediacon, ibinahagi ni AC ang kasiyahang makatrabaho ang ilang Kapuso stars na kasama sa cast, kagaya nina Barbie Forteza, Mikee Quintos at Mika Salamanca.

"It's also my first time working with Ate Barbie—actually kayong lahat, kasi I'm always surrounded by Kapamilyas," paliwanag ni AC.

"Like, different environment."

Tsika at Intriga

Sassa Gurl, inupakan sa biro kay AC Bonifacio: 'Naloka ka sa mga Kapuso 'no, walang plastikan, 'no?'

Maya-maya, biglang sumingit naman si Sassa na mas madalas na nag-ge-guest sa ilang Kapuso shows, at dumadalo sa mga event nito gaya ng GMA Gala.

"Naloka ka sa mga Kapuso, 'no… walang plastikan, 'no?" sey ni Sassa na ikinabigla naman ni AC at ilang co-stars, na ang ilan ay napatawa na lang.

Agad namang nilinaw ni AC na wala siyang masamang ibig sabihin at ipinahayag pa ang pagmamahal niya sa kaniyang home network bago sinabi ni Sassa na biro lamang ang kaniyang komento.

"Uy, hoy, wala akong sinasabi. I love my network. To my Star Magic family, I love you," ani AC, bilang pagtatanggol na rin sa kinabibilangang talent arm management na nasa ilalim ng ABS-CBN.

Agad din namang kumambyo si Sassa at sinabing nag-jo-joke lang siya at banter lang ang hirit niya.

Sa pagpapatuloy, ipinaliwanag ni AC na marami siyang natutuhan sa mga kasama, lalo na ang pakikipagtrabaho sa ibang artists, lalo na kay Barbie, na pinuri niya ang work ethics.

Dahil dito, agad na kinuyog ng netizens si Sassa dahil tila nilagay raw niya sa alanganin si AC dahil sa sinabi niya.

Lumalabas daw kasi na may ikinukuwento si AC kay Sassa sa "treatment" ng Kapamilya stars at artists sa isa't isa.

May mga nang-okray pa kay Sassa na iwanan na raw nito ang "kanal humor" o kung hindi raw mapipigilan, bumalik na lang sa pagiging social media personality at iwanan na ang mainstream.

Nakarating naman kay Sassa ang masasakit na komento laban sa kaniya, kaya naman, naglabas siya ng opisyal na pahayag sa pamamagitan ng kaniyang X account noong Miyerkules ng gabi, Agosto 5.

Dito ay inako ni Sassa ang kaniyang pagkakamali at humingi ng tawad sa kaniyang naging biro.

"Saw all your tweets and messages, kinda deserv ko naman talaga ang mabunot, as a queer person who represents the baklang kanal girlies, i realized na dapat nga naman talaga i lugar ang kakanalan," aniya.

Inamin ni Sassa na hindi ibig sabihing "real" ay kailangan nang maging taklesa. Nagpasalamat siya sa mga netizen na sumita sa kaniya. Humingi rin siya ng paumanhin kay AC.

"I standby being real but hindi excuse ito be taklesa. Sa nasabi ko i take accountability for that, thank you sa mga nagcall out, another opportunity for me to grow as a new artist in showbiz, at syempre to my sister ms. Ac sorry ma for putting you into a very vulnerable situation," aniya.

Tinanggap naman ni AC ang sorry ni Sassa at nire-share ang kaniyang post.

"all love guys !!" ani AC.

Tugon naman dito ni Sassa, "Labyu!!! Next interview sweet gurl ako HUMANDA."

Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang ABS-CBN o Star Magic tungkol dito.

Maki-Balita: Sassa Gurl, inupakan sa biro kay AC Bonifacio: 'Naloka ka sa mga Kapuso 'no, walang plastikan, 'no?'