Naglabas ng babala ang Cultural Center of the Philippines (CCP) laban sa mga kumakalat na social media post na nag-aalok umano ng pagbebenta ng bahagi ng CCP Complex sa Pasay City.
Sa inilabas na public advisory, sinabi ng CCP na peke at walang awtorisasyon ang isang online listing na nagsasabing ibinebenta ang isang 23.8-ektaryang lupain na umano'y sakop ng Title Nos. 75681 at 75676.
Binigyang-diin ng ahensya na ang lahat ng ari-arian ng CCP ay pagmamay-ari ng pamahalaan at hindi ipinagbibili.
"The public is hereby informed that CCP properties are government-owned assets and are NOT FOR SALE," anila.
Nilinaw rin ng CCP na hindi ito awtorisado o walang kinikilalang broker, ahente, o kinatawan na maaaring makipag-usap o magsagawa ng bentahan ng mga ari-arian nito.
Ayon pa sa ahensya, ang anumang dokumento, sketch plan, titulo, o listing na kumakalat online kaugnay ng umano'y bentahan ng mga lupain ng CCP ay pekeng dokumento at walang bisa.
"The public is hereby informed that CCP properties are government-owned assets and are NOT FOR SALE. The CCP has not authorized or accredited any broker, agent, or representative to negotiate or sell its properties. Any documents, sketch plans, or listing titles being circulated online for this purpose are unauthorized and fraudulent," anila.
Dahil dito, mahigpit na pinayuhan ng CCP ang publiko na huwag makipagtransaksyon sa sinumang nag-aalok o nagpapakilalang nagbebenta ng mga lupang pagmamay-ari ng gobyerno.
Hinikayat din nito ang sinumang makakita ng kahalintulad na online listing o lapitan ng mga indibidwal na nag-aalok ng pagbebenta ng mga government-owned properties na agad itong iulat sa pamamagitan ng opisyal na communication channels ng CCP.
Maaaring magpadala ng ulat o impormasyon sa opisyal na email ng Asset Management Office ng CCP sa [email protected].
Pinaalalahanan din ng CCP ang publiko na maging mapanuri sa mga alok na bentahan ng mga ari-arian, lalo na kung may kinalaman sa mga pag-aari ng pamahalaan, upang hindi mabiktima ng panloloko.