Pinaghahanap na ng pulisya ang isang lalaki na umano'y tumangay ng service firearm ng isang security guard sa loob ng isang saradong establisyemento sa Tondo, Maynila, matapos itong makuhanan ng CCTV noong madaling araw ng Miyerkules, Agosto 5, 2026.
Sa kuha ng surveillance camera, makikitang nakapasok ang suspek sa loob ng gusali matapos makalusot sa harang.
Ilang sandali pa, namataan siyang nagmamasid sa paligid bago mabilis na dumampot ng isang bagay at tumakbo palabas ng lugar.
Agad namang nagtangkang habulin ng biktimang guwardiya ang suspek, ngunit itinigil din ang paghabol dahil sa pangambang magamit laban sa kaniya ang baril na natangay.
Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, lumitaw na ang nakuha ng suspek ay service firearm ng guwardiya na hindi umano nakalagay sa holster at nakasukbit lamang sa kaniyang bewang nang mangyari ang insidente.
Napag-alaman ding nakaidlip umano ang guwardiya habang gumagamit ng kaniyang cellphone bago mawala ang kaniyang baril.
May tinutukoy nang person of interest ang pulisya kaugnay ng insidente at patuloy ang isinasagawang backtracking at follow-up operations upang matukoy ang pagkakakilanlan at agarang maaresto ang suspek.
Samantala, hindi nagbigay ng opisyal na pahayag ang pamunuan ng establisyemento. Isang kapwa guwardiya lamang ang humarap sa media ngunit tumangging magbigay ng panayam sa harap ng camera.
Ayon sa kaniya, kasamahan niya ang biktima at nagkataong nagsasagawa siya ng routine inspection sa loob ng gusali nang maganap ang insidente.
Nagpaalala naman ang pulisya sa mga security guard na tiyaking ligtas at maayos na nakalagay ang kanilang mga service firearm sa lahat ng oras upang maiwasan ang mga kahalintulad na insidente.
Habang isinusulat ang artikulong ito ay wala pang impormasyon kung tuluyang sinibak sa trabaho ang biktima.