August 06, 2026

Home BALITA National

Kauna-unahang rocket launch ng Pilipinas, minamatahan sa Valentine's Day sa 2027!

Kauna-unahang rocket launch ng Pilipinas, minamatahan sa Valentine's Day sa 2027!
Photo courtesy: Unsplash

Itinakda ng pamahalaan ang target na paglulunsad ng kauna-unahang sounding rocket ng Pilipinas sa ilalim ng SIKLAB Project sa pagitan ng Pebrero 12 hanggang 15, 2027, kung saan pansamantalang itinutok ang target date sa Pebrero 14 o Araw ng mga Puso.

Sa Kapihan sa Manila Bay noong Miyerkules, Agosto 5, 2026, sinabi ng mga opisyal ng Department of Information and Communications Technology (DICT), Philippine Space Agency (PhilSA), at Cagayan Economic Zone Authority (CEZA) na nasa humigit-kumulang 193 araw na lamang ang natitira bago ang target launch window.

Ayon kay DICT Secretary Henry Aguda, napili ang Pebrero 14 bilang simbolikong target matapos ang rekomendasyon ng ilang engineers.

“I think [the engineers] were targeting between February 12 to 15. So, in-average ko na lang, sabi ko, mas maganda Valentine's Day,” ani Aguda sa media.

Gayunman, nilinaw ni PhilSA Director General Gay Jane Perez na hindi pa tiyak ang eksaktong petsa ng paglulunsad dahil nakasalalay ito sa lagay ng panahon at sa mga teknikal na kondisyon sa mismong araw ng nakatakdang launching.

National

Bilang ng mga Pilipinong walang trabaho, pumalo na ng 2.59 milyon!

“As you know, with rocket launches, there are conditions na kailangan po natin ma-determine on the day itself, maybe a few days leading to it, that will really determine kung makakalipad tayo or hindi. Go or no go,” pahayag ni Perez.

Idinagdag pa niya na ang Pebrero 14 ay nagsisilbing simbolo lamang ng layunin ng bansa na maisakatuparan ang proyekto.

“It's not really saying on the dot na lilipad po yung rocket dito, but it's more symbolic really. It represents our commitment, our initial target here to fly that rocket,” dagdag niya.

Paglilinaw pa nila, hindi isang orbital rocket na magpapadala ng satellite sa kalawakan ang ilulunsad. Sa halip, isa itong liquid-fueled sounding rocket na karaniwang ginagamit sa siyentipikong pananaliksik, pag-aaral sa atmosphere at pagsubok ng mga bagong teknolohiya bago ang mas malalaking misyon sa kalawakan.

Ayon sa PhilSA, ang demonstration flight ay magdadala ng locally developed payload na may timbang na hanggang dalawang kilo at inaasahang makaaabot sa taas na hindi bababa sa limang kilometro. 

Layunin nitong subukan ang mga teknolohiya ng rocket, mga pamamaraan sa paglulunsad, at mga safety protocol, habang pinalalawak ang kakayahan ng mga Pilipinong engineers sa larangan ng rocket engineering.

Gaganapin ang demonstration launch sa Cagayan dahil sa lokasyon nito na malapit sa equator, angkop na heograpiya, umiiral na imprastraktura, at malalawak na katubigan sa paligid na itinuturing na mas ligtas na lugar para sa pagbagsak ng anumang debris mula sa rocket.

Samantala, sinabi ni CEZA Administrator Katrina Ponce Enrile na inaasahang makalilikha ang spaceport project ng tinatayang 15,800 direktang trabaho at makapag-aambag ng hanggang $3.6 bilyon sa taunang aktibidad ng ekonomiya kapag ganap na naisakatuparan.

Una nang inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang planong rocket launch sa kaniyang State of the Nation Address (SONA) noong 2026. Aniya, isasagawa ang proyekto sa pakikipagtulungan sa isang aerospace company mula South Korea.