August 06, 2026

Home BALITA Probinsya

Binatilyo, patay matapos mabagsakan ng basketball ring!

Binatilyo, patay matapos mabagsakan ng basketball ring!
Photo courtesy: Unsplash

Nasawi ang isang 13-anyos na lalaki matapos mabagsakan ng isang movable basketball ring habang naglalaro sa loob ng isang hindi pa tapos na covered court sa Barangay San Isidro, Magalang, Pampanga noong Miyerkules, Agosto 5, 2026.

Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, tatlong menor de edad ang pumasok sa loob ng nakabakod na covered court na hindi pa natatapos at hindi pa naipapasa sa pamamahala ng barangay. 

Ayon sa mga awtoridad, nabuksan umano ng mga bata ang harang na yero upang makapasok sa pasilidad.

Habang naglalaro, umakyat umano ang tatlo sa movable basketball goal at inalog ang estruktura. Kalaunan, naglambitin ang biktima sa ring ng basketball na naging dahilan upang mawalan ng balanse ang buong basketball goal at bumagsak, na tumama at dumagan sa bata.

Kaagad na isinugod ang biktima sa ospital ngunit idineklara rin siyang dead on arrival dahil sa tinamong matinding pinsala.

Probinsya

Lalaking papuntang lamay, naputulan ng dila matapos kuyugin!

Ayon sa barangay, hindi pa bukas sa publiko ang covered court dahil patuloy pa ang konstruksyon nito, kabilang ang pagsasaayos ng mga daanan at iba pang bahagi ng pasilidad. Inaasahan pa sanang mabubuksan ito makalipas ang halos isang linggo.

Samantala, sinabi ng pamilya ng biktima na kagagaling lamang umano ng bata sa pagsisimba bago nagtungo sa covered court upang makisabay sa ibang kabataang naglalaro.

Iginiit din nila na nais nilang magkaroon ng masusing imbestigasyon at pananagutin ang sinumang mapatutunayang may pagkukulang kaugnay ng insidente.

Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng Magalang Police Station upang matukoy ang lahat ng pangyayari at kung may pananagutan ang sinuman sa trahedya.