Nagbigay ng legal na paglilinaw ang abogado at talent manager na si Atty. Joji Alonso matapos mag-viral ang pabirong pahayag ng Kapuso star na si Barbie Forteza tungkol sa pagpapakasal sa Las Vegas, US para may diborsyo.
Sa naganap na grand media conference ng pelikulang "Saving Cherry" ng Regal Entertainment, tinanong si Barbie tungkol sa kaniyang dream wedding.
"Dream wedding ko? I wanna get married in Vegas. In Vera Wang. Para may divorce," aniya.
Nagdulot ng tawanan ang naturang pahayag sa mga dumalo sa mediacon.
Kasunod nito, nagbahagi ang abogado na isang film producer din, ng isang Instagram post para ipaliwanag kung paano tinitingnan ng batas sa Pilipinas ang mga divorce na nakukuha sa ibang bansa.
Ayon sa abogado, kung parehong Pilipino ang mag-asawa at nananatili silang mga Pilipinong mamamayan sa kabuuan ng kanilang pagsasama, hindi awtomatikong kikilalanin sa Pilipinas ang divorce na nakuha sa ibang bansa.
"Sadly @barbaraforteza, IF you marry (even in Vegas) a fellow Filipino citizen who remains Filipino all throughout your marriage, any divorce you obtain won’t be recognized under Philippine law," saad ni Atty. Alonso, na siyang producer ng pelikulang "Unmarry" na pinagbidahan nina Angelica Panganiban at Zanjoe Marudo.
Ipinaliwanag pa niya na sinusunod ng Pilipinas ang nationality principle, kung saan nananatiling umiiral ang batas ng Pilipinas sa isang mamamayang Pilipino saan man ito magpakasal o manatili.
"Your marriage continues to subsist due to what is known as the 'nationality' principle. Your nationality follows you wherever you are. And since divorce is not recognized under Philippine law, you remain married to him," aniya.
Gayunman, sinabi ni Alonso na may exception naman sa ganitong sitwasyon. Aniya, kung ang napangasawa ng isang Pilipino ay isang dayuhan at ang dayuhang asawa ang kumuha ng divorce, maaari itong kilalanin sa ilalim ng batas ng Pilipinas.
"It would be different IF you married a foreign national and your husband divorced you. That divorce may be recognized under Philippine law. It would be sheer absurdity for you to continue being married to a foreigner who is no longer married to you," aniya.
Umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa mga netizen.
"Maybe she means foreigner? Kahit naman saan ka magpakasal, if Filipino citizen papakasalan mo, wala pa ring divorce."
"What if di nila ideclare yung marriage nila sa Pinas?"
"What is the point of marrying if you are thinking of divorcing na agad?"
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag si Barbie tungkol dito. Matatandaang ang huling nakarelasyon ng Kapuso star ay si Jak Roberto subalit naghiwalay sila makalipas ang pitong taong relasyon.