Simula Agosto 15, tataas sa ₱12 kada litro ang fuel discount na maaaring magamit ng mga operator at driver ng public utility vehicles (PUVs), ayon kay Executive Secretary Ralph Recto nitong Miyerkules, Agosto 5, 2026.
Ito ay mula sa ₱2 na dagdag mula sa kasalukuyang ₱10 kada litrong subsidiya na naipagkakaloob sa mahigit 93,000 PUV operators at drivers bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Sa isang Facebook post, iginiit ni Recto na patuloy ang pagtugon ng pamahalaan sa epekto ng kaguluhan sa Gitnang Silangan.
"Gaya ng inaasahan, patuloy na nararamdaman ng ating mga kababayan ang epekto ng kaguluhan sa Gitnang Silangan. Dapat tuloy ang trabaho, tuloy ang ayuda, at ramdam ng bawat sektor ang presensya at malasakit ng gobyerno," ani Recto.
Ayon pa sa Office of the Executive Secretary, maaaring umabot sa ₱1,800 kada linggo ang matitipid ng mga benepisyaryong operator at driver dahil sa dagdag na fuel discount.
Napagkasunduan ang pagtaas ng subsidiya sa isang pulong sa Malacañang na pinangunahan ni Recto kasama ang ilang miyembro ng Gabinete.
Tinalakay rin sa naturang pagpupulong ang iba pang hakbang upang maprotektahan ang ekonomiya at mabawasan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Kabilang sa mga dumalo sa pulong sina Budget Secretary Kim de Leon, Public Works Secretary Vince Dizon, Social Welfare Secretary Rex Gatchalian, Transportation Secretary Giovanni Lopez, Education Secretary Sonny Angara, Health Secretary Jose Pujalte Jr., at Agriculture Undersecretary Roger Navarro.
Sa mga nakalipas na linggo, nakaranas ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo dahil sa muling pag-init ng tensiyon sa pagitan ng United States at Iran.
Nakaapekto rin dito ang sitwasyon sa Strait of Hormuz, isang mahalagang rutang dinaraanan ng malaking bahagi ng pandaigdigang suplay ng langis.
Samantala, inatasan din ni Recto ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ipagpatuloy ang implementasyon ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport o UPLIFT Program.
Layunin ng programa na magbigay ng komprehensibong ayuda sa mga Pilipinong naapektuhan ng krisis sa Gitnang Silangan.