Inaasahang mananatiling mabagal ang pagbangon ng ekonomiya ng Pilipinas matapos ang pandemya dahil sa paggasta ng pamahalaan, paghina ng sektor ng konstruksyon, at nananatiling mataas na inflation, ayon sa investment bank na Goldman Sachs.
Ayon sa ulat ng Manila Bulletin mula sa tala ng Goldman Sachs, isa sa mga pangunahing salik na nagpapabagal sa pagbangon ng ekonomiya ay ang paghina ng aktibidad sa sektor ng konstruksyon, na matagal nang itinuturing na mahalagang susi ng paglago ng ekonomiya.
“Construction activity also appears to have lost momentum, as elevated input costs continue to weigh on project execution,” anang Goldman Sachs.
Sinabi rin ng Goldman Sachs na wala pang malinaw na senyales ng pagtaas ng government capital expenditure, na mahalaga sa pagpapalakas ng imprastraktura at paglikha ng trabaho.
“Meanwhile, we see little evidence of a meaningful rebound in government capital expenditure, which remains well below its historical run rate,” saad pa nila.
Nakatuon ngayon ang pansin sa magiging tugon ng pamahalaan upang mapabilis ang pagbangon ng ekonomiya matapos ang paghina nito noong huling bahagi ng 2025.
Matatandaang nabawasan ang pagpopondo sa infrastructure projects kasunod ng kontrobersiya sa umano'y katiwalian sa mga flood control projects.
Ayon pa sa Goldman Sachs, nagiging mas mahirap para sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na balansehin ang pagsuporta sa paglago ng ekonomiya habang kinokontrol ang patuloy na mataas na inflation.
Inaasahan ng investment bank na bababa sa 6.1% ang headline inflation sa Hulyo, na magiging pinakamababang antas sa loob ng tatlong buwan mula sa 7.2% noong Abril. Gayunman, tinatayang mananatili sa 4.4% ang core inflation.
Samantala, nananatili ring banta sa ekonomiya ang tensyon sa Gitnang Silangan.
Ayon sa Goldman Sachs, maaaring maapektuhan ang pandaigdigang suplay ng langis kung magkaroon ng pagkaantala sa Strait of Hormuz, isang mahalagang rutang dinaraanan ng tinatayang ikalimang bahagi ng suplay ng langis sa buong mundo.
Mula nang sumiklab ang kaguluhan sa Gitnang Silangan sa unang bahagi ng taon, dalawang beses nang itinaas ng BSP ang benchmark interest rate nito sa 4.75%. Nakatakda ang susunod na policy meeting ng Monetary Board sa Agosto 27.