August 05, 2026

Home BALITA

Lalaking nag-cosplay bilang si 'Kamatayan' at tumambay sa ospital, arestado!

Lalaking nag-cosplay bilang si 'Kamatayan' at tumambay sa ospital, arestado!
Photo courtesy: Unsplash

Hindi pinalampas ng mga awtoridad angg “trip” ng isang lalaking nagbihis bilang si Kamatayan o Grim Reaper sa isang ospital, matapos itong ikabahala ng ilang pasyente.

Ayon sa mga ulat, inaresto at pinagmulta pa ng hukuman ang 26 taong gulang na lalaki matapos siyang tumambay sa isang ospital sa North Wales at nagdamit bilang si Kamatayan.

Kinilala ang akusado na si Leon Gillespie, na umamin sa kasong pagdudulot ng nuisance nang walang makatuwirang dahilan sa loob ng ospital. 

Bunsod nito, pinatawan siya ng Llandudno Magistrates' Court ng multang £200.

Depensa pa ng suspek, isang uwak lang daw na costume ang kaniyang suot kung kaya’t napili niyang tumambay sa ospital, partikular na sa rooftop nito—kung saan tanaw siya sa bintana ng ilang pasyente.

Probinsya

Lalaking papuntang lamay, naputulan ng dila matapos kuyugin!

Iniulat na may dala rin siyang mahabang talim at gumagawa ng ingay habang nasa bubong ng gusali, dahilan upang mabigla at mabahala ang mga empleyado at mga bisita ng ospital.

Dahil sa insidente, apat na sasakyan ng pulisya at mga unit ng fire service ang rumesponde sa ospital matapos makatanggap ng ulat tungkol sa isang lalaking nakasuot ng itim mula ulo hanggang paa na nakatayo sa itaas ng pangunahing pasukan ng gusali. 

Sa pagdinig ng korte, lumabas din na sangkot si Gillespie sa pagnanakaw ng cat food at cat litter na nagkakahalaga ng £30 hanggang £40 mula sa isang tindahan ng Pets at Home noong Marso 26, gayundin ng pagkain at inumin mula sa isang sangay ng Sainsbury's sa Llandudno noong Mayo 28.

Bukod sa £200 na multa kaugnay ng insidente sa ospital, inatasan din siyang magbayad ng karagdagang £100 na multa, £100 bilang gastos sa Crown Prosecution Service, at £50 bilang kabayaran.

Ayon sa tagapagsalita ng Betsi Cadwaladr University Health Board, nananatiling mahigpit ang kanilang polisiya laban sa anumang uri ng pang-aabuso, agresyon, o panggugulo sa loob ng kanilang mga ospital.

Samantala, sinabi noon ng North Wales Police na kinasuhan si Gillespie ng paglikha ng istorbo sa isang pasilidad ng NHS nang walang makatuwirang dahilan at ng pagtangging umalis sa lugar sa kabila ng utos ng isang pulis.