Nirespondehan ng mga awtoridad at katuwang na port stakeholders mula sa Port Management Office (PMO) Negros Occidental/Bacolod/Banago/Bredco ang isang matandang lalaking tumalon sa dagat malapit sa rampa ng kanilang “FastCat” ferry sa Banago Port, Bacolod City noong Linggo, Agosto 2.
Batay sa pahayag ng Philippine Ports Authority (PPA) nitong Martes, Agosto 4, bandang 8:00 ng umaga nang maganap ang insidente kung saan, narespondehan ang matanda gamit ang isang maliit na balsa at lubid upang maiahon siya sa tubig at mabigyan ng paunang lunas.
Ayon naman sa ibinahagi ng matanda sa mga awtoridad, matinding depresyon at kawalan ng tulog daw ang nagtulak sa kaniya upang tumalon sa dagat.
Tiniyak naman ng PPA na maayos na nai-turnover ang matanda sa mga opisyal ng Barangay Banago para sa kaukulang koordinasyon sa kaniyang pamilya at paglalaan ng karagdagang tulong.