Sumakabilang-buhay na ang gumanap na lola ni Ned Leeds na si Mary Egida Rivera sa pelikulang Spider-Man: No Way Home.
Ayon sa obituwaryo ni Mary, pumanaw siya noong Abril 15, 2026 sa Honolulu.
Dumanas umano ng stroke si Mary at sumailalim sa coma. Nagdesisyon ang pamilya na tanggalan na siya ng life support matapos matanggap ang negatibong prognosis ng doktor. Kinumpirma ito ng mga international at local media outlet nitong Agosto 3.
Kabilang sa mga naulila ni Mary ang asawa niyang si Alejandro Rivera, apat na anak, labing-isang apo, at apat na apo sa tuhod.
Tubong Iloilo si Mary at ipinanganak noong Hunyo 2, 1943 sa mag-asawang Vicente at Felicia Egida.
Isa siyang retiradong missionary na kalaunan nga ay naging bahagi ng "Spider-Man: No Way Home" kung saan nakaeksena niya ang dalawang Peter Parker na sina Andrew Garfield at Tobey Maguire.
Binanggit sa obituwaryo na ipinagmamalaki ni Mary ang pagkakataon na mapabilang sa naturang pelikula.