Nakatakdang maglunsad ng libreng planetarium show at telescope viewing ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ngayong buwan ng Agosto.
Ito ay bilang bahagi ng pagdiriwang ng Philippine Space Week 2026.
Sa isang Facebook post ng PAGASA noong Lunes, Agosto 3, mababasa ang kabuuang detalye tungkol dito.
Matutunghayan ang planetarium show mula August 10–13 sa PAGASA Planetarium, Science Garden sa Quezon City.
Nahahati sa dalawang sesyon ang palabas. Isa sa umaga na mula 9:00 a.m. hanggang 11:00 a.m.
Samantala, ang sesyon naman sa hapon ay papatak mula 1:00 p.m. hanggang 3:00 p,m habang ang telescope viewing naman ay nakatakda sa Agosto 13 mula 6:00 p.m. hanggang 9:00 p.m. sa PAGASA Astronomical Observatory sa University of the Philippines-Diliman.
Matatandaang idineklara ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. ang August 8 hanggang August 14 bilang Philippine Space Week sa bisa ng Proclamation No. 302 series of 2023.
Ito ay taunang pagdiriwang upang isulong ang space awareness at bigyang-diin ang kontribusyon ng mga Pilipino sa larangan ng space, science, at technology.