Bukod sa maiinit na usaping politika at mga isyu rito sa Pilipinas, tila isa pang "giyera" ang umingay sa social media—partikular sa TikTok.
Sunod-sunod ang viral contents ng usap-usapang content creators, at trending issues ang pinagdiskitahan at pinag-usapan ng mga netizen online.
Iba't ibang opinyon, magkakaibang panig ng kuwento, at walang patid na parinigan ang bumalot diumano sa TikTok, dahilan para maging sentro ito ng usapan ng mga netizen.
Sino-sino nga ba ang social media personalities na pinag-uusapan at viral ngayon?
Jen Oliveros at Lash Omadto
Kapwa content creator sina Jen at Lash na gumagawa ng travel content, day-in-life vlogs, at nagpo-promote ng iba't ibang produkto sa TikTok. Bukod sa paggawa ng content, naging magkaibigan din umano ang dalawa.
Gayunpaman, naging sentro sila ng usapan sa social media matapos umugong ang isyu sa pagitan nila na mabilis na kumalat at pinagpiyestahan ng mga netizen.
Batay sa mga video at pahayag na nakita ng Balita sa TikTok, nagsimula umano ang hindi pagkakaunawaan ng dalawa dahil sa pabango (perfume) ni Jen.
Ayon sa mga kumalat sa social media, ginamit umano ni Lash ang tinitipid umano na pabango ni Jen, habang may iba namang anggulo na ninakaw umano niya ang pabango. Kaya nauwi diumano ito sa pagsasampa ng kaso ni Jen laban kay Lash.
Gayunpaman, walang malinaw na detalye tungkol sa kasong umano'y isinampa ni Jen laban kay Lash, at kung ano ang buong pinagmulan ng kanilang hindi pagkakaunawaan.
Humupa umano ang isyu nang nanahimik umano si Lash.
Ngunit nitong huling linggo ng Hulyo, muling nagsalita si Lash sa pamamagitan ng isang TikTok Live matapos ang pananahimik.
Emosyunal niyang inilahad ang kaniyang panig at mga pinagdaanan noong panahon na kinaharap umano niya ang mga kaso laban sa kaniya.
As of writing, wala pang opisyal na pahayag si Jen kaugnay nito.
Jen Oliveros, Forda Ferson, Mentor Daniel, at iba pa nilang "kaibigan"
Kilala sa TikTok ang pagkakaibigan nina Jen, at kapwa content creators na sina Forda Ferson o Chrish Ann Austria, Mentor Daniel o Daniel Nico Laudit, at iba pa nilang kaibigan na pawang content creators din.
Madalas silang gumagawa ng content nang magkakasama, dahilan upang makilala sila bilang isa sa mga magkakaibigang content creator sa platform.
Sa kabila ng pagkakaibigan nila, tila nauwi rin ito sa hindi pagkakaintindihan nang mapansin ng mga netizen ang paglayo diumano ni Forda kina Jen, Daniel, at maging sa iba pa nilang kaibigan.
Kasunod nito, umugong din sa TikTok ang mga umano'y patutsada at parinigan na lalo pang nagpainit sa usapin at nagbunsod ng iba't ibang espekulasyon mula sa mga netizen.
Wala ring malinaw na detalye kung ano nga ba ang dahilan ng hindi nila pagkakaunawaan.
Ngunit kamakailan lang, tila naging maayos na ang relasyon nina Forda at Daniel dahil nakita na ulit silang magkasama sa isang TikTok post—bagay na ikinatuwa ng supporters nila.
Sa update naman ni Jen kamakailan din, sinabi niyang nagkapatawaran na silang magkakaibigan.
Jen Oliveros at Kamangyan o Mercedes Lasac
Umugong din ang pangalan ni Kamangyan sa TikTok dahil sa isyu umano nina Jen at Forda.
Si Kamangyan ay isa ring content creator na tubong Mindoro. Karaniwan sa mga content niya ay ang pagluluto.
Batay sa mga kuwentong kumalat sa TikTok, sina Kamangyan at ang ilan pa niyang kaibigan na content creators, ang naging mga kaibigan ni Forda sa panahong umugong ang isyu nito kina Jen at Daniel.
Mas lalo pang naging usap-usapan ang pangalan ni Kamangyan matapos siyang magkomento ng "alam ko lahat" sa isa niyang TikTok post.
Dahil dito, pinasaringan umano ni Jen si Kamangyan na nakikisali umano sa isyu nilang magkakaibigan.
Kalaunan, nag-upload si Jen ng mga video kung saan may mga binanggit siyang isyu nila ni Kamangyan.
Gayunman, hindi na makikita sa TikTok ang mga video na may kaugnayan sa naturang isyu dahil tila binura na niya ang mga ito.
Bago matapos ang buwan ng Hulyo, nag-TikTok live si Jen at doon niya muling nilahad ang nangyari at naging isyu, at aniya’y may nalalaman siya tungkol kina Kamangyan.
Sa parehong araw, naglabas si Kamangyan ng tatlong video sa TikTok kung saan ipinaliwanag niya ang panig niya kaugnay sa isyu.
Samantala, matapos nito, nananatili nang tikom ang bibig ni Jen hinggil sa usapin. Wala ring latest post si Jen tungkol sa mga isyung ipinupukol sa kaniya, as of July 31.
Sa huli, ang mga isyu ng mga content creator na nabanggit ay sinubaybayan ng mga netizen at umani ng milyon-milyong views.
Bukas ang Balita para sa kani-kanilang panig.