Pinagbantaan ni Albuera, Leyte Mayor Rolan "Kerwin" Espinosa ang mga drug addict at drug pushers sa kaniyang nasasakupan, na aniya'y aarestuhin niya.
Sa Facebook post ni Espinosa noong Linggo, Agosto 2, sinabi niyang nagbabalik na siya para arestuhin ang mga adik at tulak ng droga habang naka-super hero costume na "Batman."
"Batman is back, to arrest drug addicts and drug pushers within Municipality of Albuera," anang alkalde.
"Watch out!" aniya pa.
Matatandaang noong 2025, nanalo bilang alkalde ng Albuera si Espinosa. Anak siya ng sumakabilang-buhay at dating mayor ng Albuera na si Rolando “Rolly” Espinosa Sr., na naging kontrobersiyal dahil sa umano'y pagkakasangkot sa ipinagbabawal na gamot.
Naging matunog ang pangalan ni Espinosa sa panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, matapos idawit sa umano'y operasyon ng ilegal na droga, sa panahon ng drug war nito. Dumating pa sa puntong pinaaresto siya sa Abu Dhabi, United Arab Emirates, at dinala sa Pilipinas para harapin ang mga kaso laban sa kaniya.
Siya rin ang nagsangkot noon sa isyu ng ilegal na droga kay dating senador at ngayon ay Mamamayang Liberal (ML) party-list Rep. Leila De Lima, na naging dahilan ng pagkakakulong ng huli sa matagal na panahon.
Naibasura naman ang mga kaso laban kay Espinosa dahil sa umano'y kakulangan ng ebidensya.
Kalaunan, binawi niya ang lahat ng paratang laban kay De Lima at humingi ng tawad sa kaniya. Inamin niya sa House Quad Committee na umano'y pinilit at tinakot siya noon ni dating Philippine National Police (PNP) Chief at ngayo'y Senador Ronald "Bato" dela Rosa na ituro si De Lima.
Maki-Balita: Kerwin Espinosa, inutusan umano ni Dela Rosa na idiin si De Lima sa illegal drug trade
Naghain si Espinosa ng counter-affidavit sa Department of Justice (DOJ) kung saan sinabi niyang gawa-gawa lamang ang mga naunang pahayag laban kay De Lima.
Noong Abril 2025, nakaligtas naman sa pamamaril si Espinosa habang nangangampanya sa pagkaalkalde ng Albuera.
Maki-Balita: Kerwin Espinosa, binaril habang nangangampanya sa Leyte
Matapos manalo at isagawa ang proklamasyon sa kaniya noong Mayo 13, sinabi ni Espinosa na ang isa sa mga prayoridad niya sa bayan ay linisin ang mga gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.
Ibinida pa ni Espinosa kamakailan ang pagbabasa niya ng libro bilang paghahanda sa panibagong tungkulin niya.
Maki-Balita: 'Layas!' Mayor Kerwin Espinosa, pinapaalis mga adik sa Albuera