Tila hindi na nakapagtimpi pa ang negosyante at content creator na si Rosemarie "Rosmar" Tan-Pamulaklakin sa ipinapakalat na tsikang ipinalaglag umano niya ang batang nasa sinapupunan niya.
Ito ay matapos isapubliko ni Rosmar ang tungkol sa miscarriage na nangyari sa kaniya.
Sa isang Facebook post noong Sabado, Agosto 1, ibinahagi ni Rosmar ang screenshot ng isang komento na nagsasabing may nakakita umano kina Rosmar sa isang clinic sa Laguna para sadyang ipalaglag ang bata.
Ngunit buwelta ni Rosmar, “Nananahimik ‘yong tao sa dami ng issue na binabato n’yo sa akin araw-araw. Na wala naman kayong maipakitang ebidensya. Meron pa na nag-DT daw kami sa bata. Hanggang kailan n’yo kami gagawing masama? Ilabas niyo ang ebidensya kung meron. Kung totoo.”
“Kahit buhay ko kaya ko alay sa mga anak ko. Bakit ko gagawin ‘yang sinasabi n’yo? Kung nakita n’yo lang kung paano umiyak kanina ang asawa ko sa tiyan ko no’ng sinabi ng doctor na ‘Wala, walang heartbeat,’” dugtong pa niya.
Ayon kay Rosmar, hindi umano alam ng publiko kung paano siya uminom ng pampakapit kahit tinadtad ng pimples ang mukha, leeg, at likod niya.
“Sobrang nakakabawas ng self-confidence. Pero di ko tinigil kasi gusto kong kumapit si baby,” sabi pa ng content creator.
Matatandaang tatlo na ang anak si Rosmar sa mister niyang si Jerome Pamulaklakin. Inanunsyo niya ang tungkol sa pagbubuntis niya sa kanilang fourth baby noong Marso.