August 02, 2026

Home SHOWBIZ

Papa Jackson, gumawa ng paraan para matulungan ‘caller’ niya; kinaantigan!

Papa Jackson, gumawa ng paraan para matulungan ‘caller’ niya; kinaantigan!
Photo courtesy: it's me avy/TikTok screenshot


Kinaantigan ng netizens ang pagtulong na ginawa ng Filipino radio disc jockey (DJ) na si “Papa Jackson” sa isang caller sa late night podcast niyang “Petty Night.”

Sa isang live broadcast, habang kausap ni Papa Jackson ang caller na pinangalanang “Mae,” 29-anyos mula sa Makati City, ibinahagi nito ang kuwento ng kaniyang buhay, kung saan lumalabas na tila may problema ito pagdating sa kaniyang pamilya.

Batay sa narasyon ni Mae, sinasaktan at pinipisikal umano siya ng ama ng kaniyang mga anak, at tila hawak din nito ang isang bank account niya, kung kaya’t wala itong sariling pera.

Sa kasamaang palad, natanggal din si Mae sa kaniyang trabaho—dahilan upang mas mahirapan siyang sustentuhan ang dalawa niyang anak, na ang isa ay pawang sanggol pa lamang.

Dahil sa kuwento ni Mae, ginamit ni Papa Jackson ang kaniyang programa upang tulungan ang nasabing caller.

Sa mismong broadcast, hiningi ni Papa Jackson ang isa pang bank account details ni Mae, na siya lang mismo ang may access; at ibinahagi ito sa netizens na nakikinig sa programa.

Relasyon at Hiwalayan

Jericho, Janine 'di loveteam ang turing sa isa't isa



Ayon kay Papa Jackson, ito raw ang unang beses na ginawa niya ang nasabing aksyon.

“This is the first time that we’ve done this. This is the good thing about this community, kaya ayoko ng toxic, e,” saad ni Papa Jackson sa live broadcast.

To the rescue naman ang netizens at ipinaabot din ang kanilang tulong para kay Mae.

Sa nasabing late night podcast, hindi napigilan ni Papa Jackson na maging emosyonal, dahil sa pinagdaanan ng kaniyang caller.

Makikita rin sa komento ng netizens ang kalungkutan matapos mapakinggan ang kuwento nito.

Gayunpaman, labis ang pasasalamat ng caller kay Papa Jackson, pati na rin sa netizens, na bukas upang tulungan siya sa gitna ng kaniyang sitwasyon.

“Sobrang thank you po, Papa Jackson…pakisabi po sa mga nakikinig, maraming maraming salamat po,” saad ni Mae.